MUKHANG masungit. Ito ang unang description na rumehistro sa kanyang isipan nang una siyang ipinakilala sa kanyang magiging lady boss na nagkataong matandang dalaga. Pero sa isip niya, pagbubutihin niya ang kanyang trabaho at pakikisamahan niyang mabuti ang kanyang boss.
Kapag umuuwi siya sa probinsiya, pinapasalubungan niya ang kanyang boss ng masarap na puto. O, kung summer ay matatamis na mangga mula sa kanilang bukid. Iyon ang simula na naging magkapalagayang loob na sila. Nang minsang naaksidente ang kanyang mister dahil sa motorsiklo, ang kanyang boss ang nagpahiram sa kanya ng P100,000 para maipaopera ang paa nito na naipit ng gulong.
Noon talaga niya lubusang nakilala ang kabutihan ng kanyang boss. Hindi siya inobliga na bayaran kaagad ang utang. Magbayad lang siya kung makakapagtrabaho na ulit ang kanyang mister.
Isang araw, tinawagan siya ng mayordoma ng kanyang boss. Nadulas daw ito sa banyo at isinugod sa ospital. Sa ospital, nalaman niyang kailangang salinan ng dugo ang kanyang boss dahil marami ang tumapon dito nang pumutok ang ulo pagkatapos tumama sa semento. Very rare pala ang blood type ng kanyang boss. Kagaya ng blood type niya. Noong oras din iyon ay nagbigay siya ng dugong kailangan ng kanyang boss.
Saka lang niya nalaman ang malungkot na buhay ng kanyang boss base sa kuwento ng mayordoma na dalawang dekada nang naninilbihan dito. Lahat ng kapatid nito ay galit dito. Kaya sa halip na kapamilya ang tawagan ng mayordoma, siya ang tinawagan nito para humingi ng tulong.
Nagpapagaling na ang lady boss nang muli niya itong dalawin.
“Maraming salamat sa dugong ibinigay mo sa akin” lumuluhang sabi ng boss.
“Mam, ibinabalik ko lang po ang kabutihan mo sa aming pamilya.”
Ang “aksidenteng” iyon ang naging daan para magkasundo-sundo ang lady boss at mga kapatid nito. Ayon sa kuwento ng mayordoma, pinagtatawagan daw nito ang mga kapatid at sinabing isang officemate ang nagligtas sa kanilang kapatid.
Ang dayalog ng mayordoma:
“Di po ba kayo munang magkakadugo dapat ang magdamayan sa oras ng pangangailangan? Pero bakit isang officemate na hindi naman niya kaanu-ano ang nagmalasakit lamang kay Mam Lea?”
Mga nakonsensiya. Sabay-sabay na dumating sa ospital. Nagkaiyakan. Nagkapatawaran. At iisa ang kanilang kahilingan: gusto nilang makilala ang “hero” ng kanilang kapatid. Sino raw ba ‘yung hindi kadugo pero nagbigay ng dugo sa kanilang kapatid?