EDITORYAL - Mag-ingat sa sunog
SUNUD-SUNOD ang mga nangyaring sunog mula nang pumasok ang Marso na Fire Prevention Month pa naman. Sinalubong agad ng tatlong sunog sa Metro Manila ang pagpasok ng Marso. Mula Enero 1, hanggang Marso 1, 2022, nakapagtala ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng 2,103 na sunog at karamihan sa mga ito ay faulty electrical wiring ang dahilan. Ang iba pang dahilan ay naiwanang charger ng cell phone na nakasaksak, naiwang may sinding kandila at gasera at malilikot na mga batang naglalaro ng posporo.
Noong Martes, maraming firetrucks ang nagparada at sumisirena sa maraming bahagi ng Metro Manila para ipaalala sa mamamayan na mag-ingat sa sunog. Pinaalala ng BFP na maging alerto ang mamamayan sa sunog. Huwag pabayaang lamunin ng apoy at maging abo ang mga pinaghirapang ari-arian. Kahit hindi Marso ay maraming sumisiklab na sunog dahil sa kapabayaan na rin mismo. Gawing pang-araw-araw ang pag-iingat sa sunog.
Magsagawa rin naman ng mga pag-iinspeksiyon ang BFP sa mga gusali, boarding house, dormitoryo, lumang sinehan at iba pang establisimento para matiyak kung hindi “firetrap” ang mga ito. Karaniwang ang mga boarding house at dormitoryo sa university belt ay mga “takaw-sunog”. Walang fire exit at fire extinguisher ang mga ito. Lalo nang dapat inspeksiyunin ngayon ang mga ito sapagkat matagal na hindi nagamit ang mga dormitoryo at boarding house dahil sa pandemya. Ngayong mag-uumpisa na ang face-to-face classes, magiging busy na naman ang mga ito sa pagtanggap ng mga estudyanteng boarders.
Pinakamalagim na trahedya ng sunog ay nang matupok ang Ozone Disco sa Quezon City noong Marso 18, 1996 na ikinamatay ng 162 katao at ikinasugat nang maraming iba pa. Karamihan sa mga biktima ay mga nag-graduate at nagseselebra sa pagtatapos ng school year. Habang nasa gitna ng kasayahan ang lahat, biglang nagliyab ang discs jockey booth at kumalat ang apoy sa dance floor. Nag-panic ang mga tao at nag-unahan sa paglabas subalit na-trap sila sa pinto. Kalunus-lunos ang mga nangyari sa biktima. Hindi sana nangyari iyon kung sumunod sa batas ang may-ari ng Ozone.
Hindi na dapat maulit ang malalagim na sunog na umuutang nang maraming buhay. Mag-ingat sapagkat ang sunog ay maaring sumiklab anumang araw at anumang oras. Maging alerto ngayong panahon ng tag-init.
- Latest