MARAMI nang helicopter ng Philippine National Police ang bumagsak at may mga namatay. Noong Mayo 2018, bumagsak ang helicopter na sinasakyan ni dating PNP chief Gen. Archie Gamboa at pitong iba pa sa San Pedro, Laguna. Nakaligtas si Gamboa at ang anim na kasama pero namatay ang isa. Ang twin-engine helicopter ay brand new at binili ng PNP noong 2017.
Ayon sa report, sumabit sa kawad ng kuryente ang helicopter habang nagti-takeoff kaya bumagsak. Maalikabok umano sa lugar kaya nag-zero visibility at hindi nakita ng piloto ang mga kawad ng kuryente.
Bumagsak din ang helicopter na susundo sana kay PNP chief Dionardo Carlos sa Balesin Island, isang luxury resort sa Quezon noong nakaraang linggo. Isang pulis ang namatay habang sugatan naman ang dalawang pulis na piloto.
Galing Villamor Air Base ang helicopter at habang patungo sa Balesin, naka-encounter umano nang malakas na hangin sa himpapawid ng Real, Quezon ang helicopter at hindi nakontrol ng piloto at bumagsak. Ang namatay na pulis ay nakilalang si Pat. Allen Noel Ona. Ang single engine H125 Airbus helicopter ay brand new ayon sa PNP.
Ilan pang helicopter ng PNP ang bumagsak at nakapagdududa na sapagkat pawang mga bago ang nasasangkot sa trahedya. Ibig sabihin, walang problema sa mga helicopter kaya nakapagtataka kung bakit bumagsak.
Kailangang magkaroon ng inquiry kung bakit sunud-sunod ang trahedya. Kailangang malaman kung pilot error ang nangyari. Kung pagkakamali ng piloto, dapat malaman kung may kasanayan ba ang piloto sa pagpapalipad ng helicopter. Mayroon bang lisensiya ang mga ito at may sapat na training para sa pagpapalipad?
Kailangang malaman sapagkat mauubos ang helicopter ng PNP kung ang piloto nito ay walang kakayahan. Masisimot ang kaban ng bayan kung hindi aalamin at sasaliksikin ang dahilan nang pagbagsak. Sayang ang pera ng taumbayan na nauuwi sa wala at may nagbubuwis pa ng buhay.