SA nagdaang mga dekada hanggang sa kasalukuyan, karaniwang nakakabili ng mga gamot na hindi nangangailangan ng reseta ng doktor sa mga sari-sari store. Ilang halimbawa na nabibili sa sari-sari store ay paracetamol na gamot sa lagnat at loperamide para sa diarrhea. Convenient ito sa mga nakatira sa mga lugar na malayo sa mga botika o sa mga pagkakataon na malalim na ang gabi at sarado na ang mga botika. Naging bahagi na ng buhay ng mga ordinaryo at mahihirap na Pilipino ang mga sari-sari store na nabibilhan nila ng mga pang-araw-araw na pangangailangan nang hindi na kailangang lumayo at dumayo sa mga palengke at supermarket.
Bagaman may batas na nagbabawal sa mga sari-sari store na magbenta ng mga gamot, tila hindi ito alintana nang maraming consumer na patuloy na bumibili ng mga ito sa naturang mga tindahan. Dapat namamalayan ito ng mga may-ari ng mga sari-sari store. Pero, dahil nga matagal nang nakasanayan, tila walang kumukuwestyon o sumisita sa pagtitinda ng gamot ng mga tindahan.
May dati nang babala ang Food and Drug Administration (FDA) na, sa ilalim ng Section 30 ng Republic Act 10918 (Philippine Pharmacy Act), tanging mga botika at tindahang lisensiyado ng FDA ang maaaring magbenta ng gamot sa mga consumer. Pero patuloy pa rin ang maraming sari-sari store sa pagbebenta ng mga gamot na patuloy namang tinatangkilik ng mga consumer. Maaaring dahil sa kakulangan ng kahigpitan ng pamahalaan laban dito.
Ngayon, muling napapag-initan ng pamahalaan ang mga sari-sari store ito dahil sa naglabasang mga ulat hinggil sa pagkalat ng mga pekeng gamot lalo na ang para sa COVID-19. Dahil sa mga reklamong natanggap ng FDA, nananawagan ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga pamahalaang lokal na magpalabas ng ordinansang nagbabawal sa mga sari-sari store na magbenta ng mga gamot.
“Dapat pangalagaan ng mga pamahalaang lokal ang kalusugan at pangkalahatang kapakanan ng kanilang mga nasasakupan. Hinihikayat namin ang mga pamahalaang lokal na tiyakin na hindi nagbebenta ng mga gamot ang mga sari-sari store sa nasasaklawan nilang lugar dahil, sa ilalim ng batas, hindi sila awtorisdo,” sabi ni DILG Secretary Eduardo Año sa isang pahayag. Inatasan din ng DILG ang Philippine National Police na tiyaking hindi nagbebenta ng mga gamot ang naturang mga tindahan at arestuhin ang mga sumusuwat sa batas lalo na ang mga naglalako ng mga pekeng gamot.
Kaabang-abang kung susunod ang pamahalaang lokal sa utos ng DILG at lalo na kung tatalima rito ang mga sari-sari store na hindi naman awtorisadong magbenta ng gamot. Sa sobrang haba ng panahon na nakasanayan na nang maraming sari-sari store ang pagbebenta ng mga over the counter na gamot at nakasanayang pagbili dito ng kanilang mga suking kapitbahay, kaabang-abang talaga kung maipapatupad ng mga kinauukulan ang naturang batas.
Sabagay, sa mga sari-sari store na maraming ibang paninda, hindi naman marahil masakit sa kanilang negosyo na ihinto na ang pagbebenta ng mga gamot. Lalo na kung walang katiyakan na orihinal o hindi peke ang itinitinda nilang mga gamot. Gayunman, may pahayag naman ang DILG secretary na maaari pa ring magbenta ng mga gamot ang mga sari-sari store basta’t hihingi sila ng awtorisasyon sa FDA.
Email: rmb2012x@gmail.com