SA isang seminar na may 50 participants. Binigyan sila ng lecturer ng tig-iisang lobo at sinabihang isulat ang kanilang pangalan sa lobo gamit ang pentel pen. Kinulekta muli ang mga lobong sinulatan ng pangalan at inilagay sa isang kuwartong makipot na kasya lang ang sampung tao. Muling nagbigay ng instruction ng lecturer:
“Kuhanin ninyo sa kuwarto ang lobong may pangalan ninyo. Kailangang maibigay ninyo ito sa akin within 5 minutes.”
Nagsiksikan ang 50 tao sa loob ng makipot na kuwarto. Nagkagulo. Ang ending, naubos ang time limit pero walang nakapagbigay ng kanyang lobo sa lecturer. Ang sumunod na instruction:
“Bumalik muli sa kuwarto. Dumampot ng kahit anong lobo at ibigay ito sa nakapangalan dito. Ang time limit ay 5 minutes.”
Mga 4 minutes lang ay napasakamay ng bawat isa ang kanya-kanyang lobo.
“Ito ang eksaktong nangyayari sa ating buhay sa kasalukuyan,” panimula ng lecturer. Lahat ay natataranta sa paghahanap ng sariling kaligayahan, kaya lang, sa bandang huli ay hindi pa rin nila matagpuan ito.
Hindi nila alam, ang kaligayahan minsan ay matatagpuan sa ibang tao. Kapag nakakapagpaligaya ka ng ibang tao, saka mo lang matatagpuan ang genuine happiness. Di ba’t iba ang feeling kapag alam mong nakapagpaligaya ka ng ibang tao?”
“Happiness may be found only by helping others to find it.” —Napoleon Hill