EDITORYAL - Daming nagkakasakit dahil marumi ang inuming tubig
MARAMI pa ring Pilipino ang walang malinis na inuming tubig. Sa kabila na marami nang modernong pamamaraan kung paano magkakaroon nang malinis na tubig, nanatili pa ring salat ang mga Pilipino sa pangunahing pangangailangan na ito. Kabilang sa mga walang malinis na tubig ay mga kababayang nasa liblib na lugar sa bansa. Kung mayroon man silang pinagkukunan ng inuming tubig, karaniwang ito ay kontaminado. Ito ang dahilan kaya marami sa kanila ang nagkakasakit ng cholera at namamatay. Kabilang sa mga sintomas ng cholera ang pagtatae o diarrhea. Noong 2016, 139,000 katao ang namatay sa bansa dahil sa diarrhea.
Noong 2011, 20 miyembro ng isang tribu sa Bataraza, Palawan ang namatay dahil sa cholera. Kawalan din nang malinis na tubig ang dahilan ng cholera outbreak. Pinalala ang sitwasyon dahil sa maruming kapaligiran. Dahil walang kubeta, kung saan-saan na lang dumurumi ang mga miyembro ng tribu. Ang pinagkukunan nila ng inuming tubig ay kontaminado. Labimpito sa 22 barangay sa Bataraza ay apektado ng cholera outbreak. Limandaang katao ang nakatira sa 17 barangay.
Ang nangyari noong 2011 at 2016 na pananalasa ng cholera ay nangyayari na naman ngayon. Marami pa talaga ang walang malinis na inuming tubig lalo na ang mga nasa liblib na lugar sa bansa. Anong ginagawang hakbang ng lokal na pamahalaan at tubig lamang ay hindi pa maserbisyuhan ang nasasakupan?
Noong nakaraang linggo, nagkaroon ng cholera outbreak sa pitong barangay sa Davao Oriental. Tatlo ang iniulat na namatay na kinabibilangan ng isang 11-buwan na sanggol. Tinatayang 500 katao ang apektado ng cholera. Isinisisi ang cholera sa kontaminadong pinagkukunan ng tubig. Marami na umanong nagpapayo na linisin ang pinagkukunan ng tubig subalit hindi ginagawa ng mga awtoridad. Noong nakaraang Nobyemre 2021, nagkaroon na ng diarrhea ang mga residente subalit hindi pa rin nililinis ang source ng inuming tubig.
Sa Mayo ay maghahalal ang mamamayan ng bagong presidente at mga lokal na pinuno. Sana ang maihalal ay pinunong may malasakit at sisikaping pagkakalooban nang malinis na inuming tubig ang mamamayan upang makaligtas sa nakamamatay na cholera at diarrhea.
- Latest