Ano ang mangyayari sa kaso kung wala sa bansa ang inihabla?

Dear Attorney,

Ano po kaya ang nangyari sa civil case na isinampa sa akin ngayong magtatatlong taon na po akong nasa ibang bansa? Nabasura na po kaya ang kaso? Hindi ko na po kasi naasikaso dahil nga po abala na ako sa trabaho ko rito. —Elmer

Dear Elmer,

Kung naisampa na ang kaso ngunit hindi ka nakatanggap ng summons, maaring na-archive lamang ito. Ina-archive ang mga kaso kapag anim na buwan matapos itong  maisyu ay hindi naibigay ang summons sa respondent o sa inirereklamo. Kapag na-archive ang isang kaso, hindi naman masasabing nabasura na ito nang tuluyan dahil kailangan lang mag-file ng motion ang nagreklamo upang buhayin muli ang kaso sakaling maari na muling ipagpatuloy ang pagdinig nito.

Kung nakatanggap ka naman ng summons o kung ginawa ang tinatawag na summons by publication na karaniwan kapag hindi mahagilap ang respondent sa isang kaso, maaring nagpatuloy ang pagdinig sa kaso kahit wala ang partisipasyon mo. Sa ganyang pagkakataon ay maaring pinayagan ng korte na magpresenta ng ebidensiya ang nagsampa ng reklamo sa iyo kaya may posibilidad din na may desisyon na ang kaso lalo na’t ilang taon na rin ang nakalilipas.

Mas mabuti kung magpapunta ka ng kakilala mo sa korte upang i-check ang status ng iyong kaso. Mas mabuti nang alam mo kung anong nangyari para magawa mo ang mga kailangang gawin upang maprotektahan mo ang iyong mga karapatan.

 

Show comments