Dear Attorney,
Balak ko pong magsampa ng kaso laban sa kapitbahay naming naninira sa akin. Maari po bang gawing testigo ang ten years old? Pamangkin ko po kasi ang nakarinig sa paninirang sinabi ng kapitbahay namin. —Lanie
Dear Lanie,
Nakasaad sa Rule 130, Section 120 ng Rules of Court na “all persons who can perceive, and perceiving, can make their known perception to others, may be witnesses.” Ibig sabihin, lahat nang may pang-unawa, at may kakayahang ipaalam sa iba ang kanilang nauunawaan, ay maaring maging testigo.
Dagdag pa rito, nakasaad din sa Rule on Examination of a Child Witness (A.M. No. 004-07-SC 15 December 2000) na ang lahat ng bata ay ipagpapalagay na kuwalipikado para tumestigo.
Base sa mga nabanggit, wala sa edad ang basehan kung maari bang tumestigo ang isang indibidwal. Ang mahalaga ay may nalalaman ang tetestigo sa mga bagay na may makabuluhang kaugnayan sa kaso at may kakayahan siyang ilahad sa ibang tao ang kaalaman niyang ito.
Maari lamang kuwestiyunin ang pagtestigo ng isang bata kung mapatunayan halimbawa na wala siyang kakayahan na unawain ang mga bagay na kanyang nakikita o naririnig, na wala siyang sapat na pang-unawa para malaman ang totoo sa hindi, at iba pa ngunit hindi maaring gamiting balakid ang edad para sa pagtestigo ng isang bata.