MAY mga pulis na namang sangkot sa pagnanakaw. Nakakahiya na ang nangyayaring ito. Lagi na lamang may mga pulis na sangkot sa pangangawat kahit malaki na ang kanilang suweldo. Hindi sila kuntento sa suweldo at gusto pang kumamal ng pera.
Walong pulis ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang inaresto ng kapwa nila pulis noong Miyerkules dahil sa pagnanakaw sa mga Chinese na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Angeles City, Pampanga. Pitong Chinese at isang Pinoy helper ang na-rescue. Nakatanggap ng report ang mga pulis na isang grupo ng kalalakihan na nagpakilalang CIDG ang sumalakay sa isang bahay na workstation ng Chinese POGO workers. Nagko-conduct umano ng drug bust at operation sa loose firearms ang grupo. Nakuha sa sasakyan ng CIDG agents ang P300,000 cash at dollar bills.
Ang mga naaresto ay sina Maj. Ferdinand Mendoza, S/Sgts. Mark Anthony Iral at Sanny Ric Alecante, Pat. Leandro Mangale at Hermogenes Rosario at Cpls. Richmond Francia, John Gervic Fajardo at Kenneth Rheiner Delfin.
Ayon kay PNP chief General Dionardo Carlos, sisibakin sa puwesto ang walong CIDG agents. Nararapat matanggal ang mga ito upang hindi madungisan at mahawa ang iba pang pulis na nagtatrabaho nang matino.
Noong nakaraang Disyembre 18, 2021, apat na pulis sa Taguig City ang nagnakaw ng P30-milyon sa bahay ng isang Japanese at asawang Pinay sa Bgy. Kapitolyo, Pasig City. Tinutukan ng baril ang Japanese at binuksan ang vault at ninakaw ang pera at tumakas sakay ng motorsiklo. Nagsumbong ang Japanese at asawang Pinay sa mga nagrorondang pulis at hinabol ang mga kawatan. Nahuli ang mga ito na nakilalang sina S/Sgt. Jayson Bartolome, Pat. Kirk Joshua Almojera at Corporals Merick Desoloc at Christian Jerome Reyes. Sinibak ni General Carlos ang apat at ang Taguig station chief na si Maj. Nimrod Balgemino Jr.
Noong 2016, itinaas ni President Duterte ang suweldo ng mga pulis. Ang suweldo ngayon ng patrolman ay P29,668; ang corporal ay P30,867 at ang staff sergeant ay P32,114. Maraming nag-akala na sa paglaki ng suweldo ng mga pulis, hindi na gagawa ang mga ito ng kawalanghiyaan gaya ng pagnanakaw. Pero kabaliktaran dahil lalo pang naging gahaman sa pera. Kailangang maisakatuparan ni General Carlos ang paglilinis sa PNP. Dapat maisalba ang organisasyon sa scalawags.