Lumang upuan na nabili sa junk shop ng 5 pounds, antigo pala at nagkakahalaga ng 16,000 pounds!
ISANG lumang wood and wicker chair na nabili sa junk shop sa halagang 5 British pounds (katumbas ng P344) ang ipinasubasta at naibenta sa halagang 16,000 pounds (katumbas ng P1.1 milyon) dahil isa pala itong mamahaling obra na ginawa noong 1902!
Ayon sa auction house na Sworders, nabili ang upuan ng isang babae sa isang junk shop sa Brighton, England. Nang maiuwi ng babae ang upuan sa kanyang bahay, napansin niya na isa itong antigo. Agad siyang humingi ng assistance sa Victoria and Albert Museum sa London at pinadala pa niya ang litrato ng upuan.
Hindi siya sinagot ng museo kaya ang kinontak niya ay ang Sworders. Nang makita ng Sworders ang litrato ng upuan, nag-imbestiga ito. Hanggang nakumpirma ng auction house na ang upuan ay ginawa ng kilalang Austrian artist na si Koloman Moser. Mahal ang bentahan ng mga obra ni Moser sa art collectors.
Isang art dealer mula Austria ang nakabili ng upuan sa halagang 16,250 British pounds. Masaya ang Sworders na makakabalik na sa Austria ang upuan kung saan ito orihinal na ginawa.
- Latest