NOONG Martes, nagtaas na naman ng presyo ang oil companies: P0.90 sa bawat litro ng gasolina, P1.80 sa diesel at P2.30 sa kerosene. Ito ang ikatlong sunud-sunod na linggong pagtataas ng petroleum products at sa susunod na linggo, mayroon na namang pagtataas. At nagiging inutil na ang Department of Energy (DOE) sa nangyayaring ito. Wala nang pakialam kung tumaas nang tumaas ang petroleum products at mahirapan pang lalo ang mga mahihirap. Kapag humirit nang dagdag pasahe ang mga drayber ng jeepney at bus, ang mga mahihirap na pasahero ang magpapasan.
Sa nangyayaring ito na linggu-linggong pagtataas ng gasolina, diesel at kerosene, nararapat nang suspendihin ang excise tax ng mga produktong ito para bumaba ang presyo. Huwag munang kumolekta ng buwis. Nakasaad naman sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN law) na kapag umabot na $80 bawat bariles ng langis sa buong mundo, maaaring suspendihin ang buwis sa mga produktong petrolyo. Sa kasalukuyan, $79 na ang bawat bariles ng langis at posibleng pumalo sa $80 sa susunod na linggo. Puwede nang ihinto ang pagkolekta ng tax sa petroleum products. Noong 2019, nakakolekta ang pamahalaan ng P42.7 bilyon sa excise tax sa petroleum products. Noong 2020, nakakolekta ng P41.6 bilyon at noong 2021, P47.9 bilyon. Sabi ng pamahalaan, ang nakokolektang buwis sa petrolyo ang pinopondo sa “Build, Build, Build” program at iba pang proyekto.
Mas mahalaga pa ba ang mga inprastruktura kaysa sa kalagayan ng mga mahihirap na apektado sa oil price hike? Huwag munang kumolekta ng buwis para mapagaan ang pasanin ng mamamayan. O kung ayaw suspendihin ang taripa, magbigay muli ng ayuda sa mga apektadong drayber ng pampublikong sasakyan. Noong nakaraang Nobyembre, naglaan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng P1 bilyong pondo para iayuda sa mga drayber ng pampublikong sasakyan. Bigyan muli ng ayuda mga apektadong drayber kung hindi magagawang suspendihin ang excise tax sa petroleum products. Magpapatuloy pa ang pagtaas ng gasoline at diesel sa mga susunod na buwan kaya wala nang kikitain ang mga drayber. Nararapat nang magpasya ang pamahalaan sa nangyayaring ito. Suspendihin muna ang buwis na pinapataw sa mga produktong petrolyo o ayuda.