ISANG hairstylist sa Ohio na nagngangalang Steve Warden ang siyam na taong nag-ipon ng mga pinaggupitang buhok mula sa kanyang mga kustomer. Ito ay upang makabuo nang pinakamalaking human hair ball sa buong mundo.
May bigat ang hairball na 102.12 kilograms at sa sobrang laki nito, binigyan na ito ng pangalan at tinatawag na “Hoss”.
Nagsimula ang pagbuo ni Warden kay Hoss dahil madalas siyang kulitin ng apat niyang anak na gumawa ng hairball mula sa mga buhok ng mga customer ng kanilang salon na Blockers. Pangarap kasi ng mga anak niya na ma-feature sila sa paborito nilang libro na Ripley’s Believe It of Not.
Noong 2018, na-feature sila sa libro ng Ripley’s at idinisplay ito sa Orlando Comic Con kung saan inengganyo nila ang mga tao sa nasabing convention na idagdag nila ang kanilang ginupit na buhok. Dahil dito, lalong lumaki si Hoss at naisipan nilang lagyan na ito ng mukha, braso, kamay at sapatos.
Nang umabot na sa timbang na 102.12 kilos si Hoss, naisipan na nilang mag-apply sa Guinness World Records dahil nalampasan na nito ang timbang ng previous title holder. December 2021, ibinigay ng Guinnes kay Hoss ang titulong world’s largest human hair ball.