Lumang Superman Comics, naibenta sa auction ng $2.6-M!

NOONG 1938, ipinakilala ng National Periodical Publications ang superhero na si Superman sa Action Comics #1. Dahil sobrang sumikat si Superman sa mga mambabasa, naglathala ang National ng sariling comic book ni Superman at pinamagatan itong Superman #1.

Ibinebenta lamang sa halagang 10 cents ang komiks na Superman #1 sa mga newsstands. Pagkalipas ng 82 years, naging rare na ang kopya nito at maraming comic book collectors na ang naghahanap nito  kaya nagkakahalaga na ito ngayon ng milyon-milyong dolyar!

Sa panayam sa ComicConnect.com, ang website na nagpa-auction sa nasabing komiks, nabili ito ng isang hindi nagpakilalang kolektor sa halagang $2.6 million (katumbas ng P132,600,000).

Dagdag pa ng CEO ng ComicConnect.com, naging mataas ang halaga ng kopya na ito ng Superman #1 dahil napangalagaan mabuti ng nagmamay-ari nito ang kondisyon ng 82 years old na komiks.

Ayon sa nagmamay-ari nito na si Mark Michaelson, napanatili niya ang maayos na kondisyon ng komiks dahil nakatago ito sa isang temperature-controlled safe simula pa noong nabili niya ito noong 1979 mula sa orihinal na may-ari.

 

Show comments