Ano ang ibig sabihin ng ‘as-is, where-is’ kapag may bentahan?

Dear Attorney,

May balak po akong bilhin na sasakyan. Ano po ba ang ibig sabihin ng “as-is, where-is?” Sabi kasi ng seller ay “on as-is, where-is basis” niya ipagbebenta ang sasakyan. —Manny

Dear Manny,

Bagama’t karaniwang may obligasyon ang mga seller sa bawat bentahan na i-deliver sa bumili ang bagay na ibinenta at magbigay ng warranty na wala itong depekto, pinapahintulutan din sila ng batas na huwag akuin ang mga obligasyon na ito basta’t malinaw ang naging kasunduan nila ng buyer ukol dito.

Ang katagang madalas na ginagamit sa mga kasunduan upang itakda na walang obligasyon ang seller sa mga depektong maaring lumitaw lamang matapos ang bentahan ay ang “as-is, where-is.” Ibig sabihin, binibili ng buyer ang bagay na ibinebenta na “as-is,” o kung ano man ang kasalukuyan nitong kondisyon, kabilang na ang mga maaring depekto nito, kung mayroon man.

Ang “where-is” naman ay patungkol naman sa obligasyon ng buyer na akuin ang transportasyon ng bagay na ibinebenta dahil binibili niya ito kahit saan man ito naroroon. Katulad ng nauna kong nabanggit, pinapayagan ng batas ang ganitong istipulasyon, basta’t malinaw na nagkasundo ang buyer at seller ukol dito.

Madalas na ginagamit ang mga “as-is, where-is” na kasunduan sa mga bentahan ng mga second hand na kagamitan katulad ng sa sitwasyon mo. Sa mga ganyang pagkakataon na “as-is, where-is” ibinebenta ang isang bagay, obligasyon ng buyer na katulad mo na suriing mabuti ang iyong binibili dahil kung sakaling may depektong lumitaw matapos ang bentahan, wala ka nang habol sa seller.

Show comments