INALIS na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagbabawal sa open-pit mining na ipinatigil noong 2017 ni dating DENR Sec. Gina Lopez. Nilagdaan ni DENR Sec. Roy Cimatu ang Department Administrative Order No. 2021-40 noong Disyembre 23. Nakasaad sa kautusan na inaalis na ang apat na taong pagpapatigil sa open-pit mining method. Karamihan sa minimina sa ganitong pamamaraan ay ang copper, gold, silver at complex ores.
Ipinatigil ni Lopez ang ganitong pamamaraan ng pagmimina sapagkat sinisira nito ang likas na yaman, winawasak ang mga bundok at nawawalan ng ikinabubuhay ang mga magsasaka at mangingisda. Dahil sa matapang na adbokasiya ni Lopez laban sa illegal na pagmimina, kinuha siyang Kalihim ng DENR noong 2016. Sabi ni Lopez sa kanyang talumpati, “I don’t like mining, the foreigners and the rich are the only ones benefitting from it but the farmers and the fishermen suffer.”
Ipinasara niya ang 22 mining companies at 12 contracts sa pagmimina ang kanyang kinansela sa panahon ng kanyang panunungkulan sa Duterte administration. Ang 22 mining companies ay napatunayang lumabag sa mga itinatakdang batas at bumagsak din sa siltation, soil erosion, dust emission at kawalan ng social at development projects. Napatunayang sinisira ng mga ito ang kagubatan.
Hindi naipagpatuloy ni Lopez ang kanyang adbokasiya na mailigtas ang kalikasan laban sa mga mapag-abusong mining companies sapagkat ni-reject siya ng Commission on Appointment (CA) noong 2017. Labing-anim na senador ang bumoto para maalis siya sa puwesto at walo ang pumanig sa kanya. May pait sa tinig ni Lopez makaraang ma-reject, sabi niya, ang interes sa negosyo ang nangibabaw.
Ngayong inalis na ang pagbabawal sa open-pit mining, tiyak nang magpapatuloy ang pagsira sa kalikasan. Marami na naman ang mabubutas at mawawasak na bundok. Maraming mangingisda at magsasaka ang mawawalan ng ikabubuhay dahil sa walang taros na pagmimina. Aagos mula sa bundok ang latak na papatay sa pinagkukunan ng biyaya. Ito ang gusto ng pamahalaan sapagkat kikita sa buwis ng mining companies.