NANGANGAMBA si Bohol Governor Arthur Yap na magkaroon ng food riots sa kanyang probinsiya dahil sa kakulangan ng pagkain at tubig. Desperado na umano ang kanyang mga kababayan dahil sa kabagalan sa paghahatid ng tulong sa kanila. Isa ang Bohol sa grabeng tinamaan ng Super Typhoon Odette na nanalasa noong Biyernes. Sa huling report, 375 katao na ang namatay at marami pa ang hindi natatagpuan hanggang sa kasalukuyan. Maaaring umabot daw sa 500 ang mga namatay. Tinatayang P525 milyon ang nasira sa agrikultura.
Hindi lamang sa Bohol nagkukulang ang pagkain at tubig kundi maging sa Surigao City sa Surigao del Norte. Nag-uunahan ang mga tao sa ipinagkakaloob na relief goods. Sa tabi ng kalsada ay may taong umaapela ng tulong na padalhan sila ng pagkain, partikular ang bigas at sardinas. Ilan sa mga tao ang nagpapakita ng mga sinulat nila sa kapirasong karton na padalhan sila ng pagkain, tubig at damit. Ayon sa isang residente sa Surigao City, nawasak ang kanilang bahay at tinangay ng baha ang kanilang mga gamit at pagkain. Bilisan naman sana ang paghahatid ng tulong. Kawawa raw naman ang kanilang mga anak na nagugutom. Wala raw silang pagkukunan ng pagkain kaya umaasa sila sa tulong ng gobyerno at mga pribadong grupo.
Sabi ng mga biktima ng Bagyo sa Tagbilaran, Bohol, mabagal umano ang pagdating ng mga tulong na pagkain. Marami raw ang nangangailangan ng pagkain kaya ito ang dapat pagsikapang madala sa mga apektadong lugar. Sabi ni Governor Yap, ubos na raw ang pondo ng kanyang probinsiya kaya umaapela siya ng tulong para sa kanyang mga kababayan na nagugutom.
Looting o pagpasok sa mga tindahan para magnakaw ang tiyak na uusbong kapag hindi nadalhan ng pagkain ang mga napinsala ng bagyo. Wala na silang alam na pagkukunan ng pagkain kaya ang pagpasok sa mga tindahan o groceries ang kanilang gagawin. Sa sobrang pagkadesperado, ang pagnanakaw ang mananaig para maibsan ang dinaranas na pagkagutom. Ganito rin ang nangyari nang manalasa ang Bagyong Yolanda na pinasok din ng mga desperadong mamamayan ang grocery store at nilimas ang laman. Huwag sanang hayaang maulit ang pangyayaring ito. Bilisan ang pagdedeliber ng pagkain sa mga nasalanta ni Odette.