EDITORYAL - Hindi handa sa bagyo
Taun-taon, mahigit 20 bagyo ang tumatama sa Pilipinas at karamihan sa mga ito ay mapaminsala. Marami ang namamatay at nasisirang ari-arian. Pinakamapinsalang bagyo na tumama sa bansa ay ang Yolanda na naganap noong 2013 sa Eastern Visayas at pumatay ng 6,300 katao at nawasak ang maraming bahay, gusali at iba pang istruktura. Pagkalipas nang walong taon ang alaala ng Yolanda ay hindi pa nalilimutan. Hanggang ngayon din ay marami pang nakatira sa evacuation centers. Ang pangakong mga bahay ay hindi matapus-tapos o kung natapos man, hindi rin matirahan dahil sa marupok na pagkakagawa.
Noong Huwebes, binayo ng Bagyong Odette ang Visayas at Mindanao, na sa huling report ay 21 na ang namamatay. Grabeng tinamaan ang Eastern Samar na maraming nagibang bahay at nasirang pananim. Sabi ng mga residente, bumalik ang masakit na alaala ng Bagyong Yolanda habang binabayo sila ni Odette sa loob ng limang oras. Halos lahat ng bubong ng mga bahay ay natuklap.
Maraming lugar ang walang kuryente dahil sa nagbagsakang mga poste ng kuryente. Wala ring komunikasyon. Hindi madaanan ang mga kalsada sa dami ng mga nakahambalang na punongkahoy at mga poste ng kuryente. Nangako naman ang pamahalaan na ibabalik ang kuryente bago sumapit ang Pasko. Ayon sa NDRRMC, 332,855 katao ang inilikas sa Eastern Visayas, Central Visayas, Western Visayas at Caraga Region.
Nagkaroon ng pagsisiksikan sa evacuation centers at pinangangambahan ang paghahawahan ng COVID-19. Nananawagan ng tulong ang mga local offcials para sa pagkain, tubig, gamot, damit ng mga nasalanta ng bagyo.
Muli na namang nakita ang kawalang kahandaan ng local officials sa ganitong sitwasyon. Marami ang hindi malaman kung saan dadalhin ang evacuees. Walang naging preparasyon kahit isang linggo nang iniaanunsyo ng Pagasa ang paparating na bagyo. May mga opisyal na natutulog sa pansitan.
Paghandaan ang bagyo. Taun-taon ay tumatama ang mga ito kaya malayo pa dapat mayroon nang paghahandang ginagawa. Hindi maaari na kung kailan nandiyan na ang bagyo ay saka lilikas. Kailangan ding magpagawa sa bawat munisipalidad ng sariling evacuation centers na kumpleto sa gamit. Kailan pa ba magiging handa?
- Latest