Alalahanin ang kasaysayan
MAHALAGA para sa kinabukasan ng isang bansa na ang mga mamamayan nito’y marunong lumingon at magpahalaga sa kasaysayan, sapagkat ito’y mabisang tagapagturo ng kaalaman at tagapagpatatag ng nasyonalismo. Ito ang isang lumulutang na kakulangan natin bilang isang lahi, kulang na kulang tayo sa pagpapahalaga sa kasaysayan. Saan kaya tayo pupulutin?
Tanungin mo ang mga Pilipino kung sino si Lapu-Lapu at tiyak na mas marami ang magsasabi na si Lapu-Lapu ay isang isda, sa halip na sabihing siya ang unang bayaning Pilipino na lumaban at nakapatay sa konkistador na si Ferdinand Magellan. Tanungin mo ang mga kabataan kung ano ang nalalaman nila tungkol sa pag-iral ng batas militar sa Pilipinas noong 1972 hanggang 1986, malamang, marami ay magkukunut-noo lamang, sapagkat walang alam.
Dahil hindi tayo masyadong nakalubog sa kasaysayan, madaling makapagsagawa ng tinatawag na historical revisionism, ang pagbabago ng kasaysayan para mapangalagaan ang kapakanan at reputasyon ng isang partikular na tao, pamilya, o grupo. Ang 14 na taong batas militar sa Pilipinas ay isang madilim na yugto sa ating kasaysayan, ngunit may mga pagtatangka na ito’y baguhin at gawing mabuti. Ang diktador ay hindi na isang manlulupig, kundi isang bayani. Lubhang napakaaga para gawin ito, sapagkat marami pang buhay sa mga naging biktima ng batas militar na makapagpapatunay sa totoong kasaysayan.
Isa pang nakapanlulumong katunayan ng kawalang-pagpapahalaga natin sa kasaysayan ay ang pagpapaimprinta ng Bangko Sentral ng Pilipinas ng bagong P1,000 bill na ayon sa ulat ay lalabas sa ikalawang quarter ng 2022. Sa dating bill, ang makikita ay ang larawan ng tatlong bayani ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sina Jose Abad Santos, Josefa Llanes Escoda, at Vicente Lim, na pawang pinahirapan at pinatay ng mga sundalong Hapones dahil sa pagtatanggol nila sa Pilipinas. Aalisin na ang kanilang larawan sa bagong bill at papalitan ng larawan ng Philippine eagle upang diumano’y itaas ang kamulatan ng mga Pilipino sa ating pambansang yaman. Mas mahalaga ba nating yaman ang mga agila kaysa mga bayani?
Wala namang masama na ipagmalaki natin ang ating mga pambansang yaman na tulad ng Philippine eagle, sapagkat talaga namang kahanga-hanga ang agila nating ito, walang sinabi ang ipinagmamalaking agila ng US. Ngunit hindi naman sana sa pamamagitan ng pagbabalewala sa ating mga bayani. Sabi nga ng isang angkan ni Escoda, para nating pinatay sa ikalawang pagkakataon ang tatlong bayani ng nakaraang digmaan.
May mga mananalaysay na nagsasabi na ang pagbabago sa P1,000 bill ay isang pagtatangka na burahin ang anumang malungkot na gunita ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig upang itaas ang reputasyon ng Japan sa isipan ng mga Pilipino. Hindi ba isa rin itong porma ng historical revisionism?
Hindi natin dapat kinalilimutan ang ating kasaysayan. Ang pagpepreserba ng ating kasaysayan ay isang mahalagang mandato ng gobyerno. Kaya’t isa sa mahalagang katangian ng kandidatong dapat nating iluklok sa Malakanyang ay ‘yong may malalim na kamulatang pangkasaysayan; pahahalagahan ang ating kasaysayan, sa halip na babaguhin.
Sinabi ng philosopher na si George Santayana, “Those who do not remember the past are condemned to repeat it.” Mauulit ang mapait nating kahapon kung lilimutin natin ito. Ang paglimot sa pambansang kasaysayan ay mauuwi sa pambansang pagpapatiwakal.
- Latest