Ang PR ng UMA

IKINUWENTO ni Antonio Flores, chairperson ng Unyon ng mga manggagawa sa Agrikultuna na dinadambong na ng mga dayuhang korporasyon ang lupain ng Philippines my Philippines. Sabi nga, pati ba naman serbisyo publiko, ipadadambong ninyo sa mga imperyalista? Bakit?

Sagot: Dahil sumang-ayon daw ang mga senador sa Senate Bill 2094.

Naku ha! Totoo kaya ito? 

Layon daw ng panukalang batas na pahintulan ang dayuhang pagmamay-ari ng mga kompanya sa larangang telecommunications, airlines, domestic shipping, railways, at iba pang ihinihiwalay nito mula sa “public utilities” gaya ng kuryente at tubig. 

Ayon kay Senador Grace Poe, gimik umano ito para umakit ng investors na magpapalakas sa kakayahan ng Philippines my Philippines makipagpasiklaban sa ibang bansa.

Ngunit duda ang UMA na makabubuti sa mga Pilipino, lalo na sa uring anakpawis, ang gayong imbitasyon sa dayuhang pamumuhunan. Ayon sa pederasyon, mali na ngang ipaubaya sa pribadong negosyo, maski pa Pilipino, ang serbisyo publiko. Kapakanan ng mamamayan ang dapat isaalang-alang nito, hindi tubo ng kapitalista, kaya tungkulin ito ng pamahalaan. Lalo lamang paiigtingin ng dayuhang pagmamay-ari ang pagtrato rito bilang negosyo imbis na serbisyo. 

Paalala ni Flores, karaniwang iwinawasiwas ng estado sa mga dayuhang negosyante ang mababang pasahod at kawalan ng proteksyon sa mga manggagawa para umakit ng negosyante. Ang gayong kaayusan ay direktang nararanasan ng mga manggagawa sa agrikultura.

“Ang sahod ng mga manggagawa sa agrikultura, hinatak nang hinatak pababa ng mga ­dayuhang korporasyong may-ari ng mga plantasyon sa kanayunan,” paliwanag ng lider-pesante. “Atat na atat mamuhunan ang mga ganid gaya ng Dole, Del Monte, at Sumifru sa kanayunan dahil handang tumuwad ang mga burukrata sa kanilang interes tumubo.”

Aniya, ang patuloy na kawalan ng pambansang minimum wage, pati ang layo ng regional minimum wage rates sa pamantayan ng nakabubuhay na sahod, ay bunga ng pangangalaga ng estado sa foreign investors. Gayundin ang pamamayagpag ng endo, kawalan ng mga benepisyo, at pagkakait ng mga pampulitikang karapatan gaya ng kalayaang mag-unyon.

Ang pagtaas din ng presyo ng mga bilihin sa merkado, sa kabila ng pambabarat ng mga korporasyon sa mga gumagawa nito, ay epekto ng pag-iral ng interes ng mga monopolyo kapitalista. Halos walang regulasyon sa presyo ng mga komoditi dahil tinitingnan ng mga negosyante ang gayong limitasyon bilang pagkitil sa kanilang kalayaang tumubo at, kung gayon, sagka sa investment.

Dagdag ni Flores, pagbaluktot sa Konstitusyon ng bansa itong panukalang batas. Sa paghiwalay nito ng ‘‘public services’’ sa ‘‘public utilities’’, pinarurupok nito — kung hindi man pinawawalang-saysay—ang probisyon sa saligang batas na nagsasabing ang Pilipinong pag-aari sa anumang public utility ay hindi dapat bababa sa 60%.

“Pinasisirko ng mga burukrata ang wika ng batas para palusutin ang anti-manggagawang interes ng mga dayuhang kapitalista,” banat ni Flores. “Pilit nilang pinalulusot ang negosyo bilang serbisyo, ang iligal bilang Konstitusyonal, at ang imperyalismo bilang demokrasya!”

Ang panawagan ng UMA, kung hindi kayang kilalanin ng mga pulitiko ang interes ng anakpawis, kilalanin man lang nito ang Konstitusyong itinaguyod noong 1987 para pangalagaa’t payabungin ang natitirang demokrasya matapos ang diktaduryang US-Marcos na dumambong sa kalupaa’t katiting na industriya ng bansa. 

Pahabol pa ng pederasyon, ang sinumang kumakandidato sa eleksyon ay dapat manawagang ibasura ang mungkahing ipaubaya sa mga dayuhang negosyante ang serbisyo publiko, nasyunalisahin ito para ituon sa pakinabang ng sambayanan, at magsulong ng mga batas na magtataguyod ng mga batayang industriya.

Show comments