EDITORYAL - Ang mga bayani at ang agila

INALIS ng Banko Sentral ng Pilipinas ang larawan ng tatlong bayani ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa P1,000 papel at pinalitan ng Philippine Eagle. Ang tatlong bayani ay sina Josefa Llanes Escoda, Jose Abad Santos at Vicente S. Lim.

Karumal-dumal ang sinapit ng tatlong bayani sa kamay ng mga Hapones. Si Escoda, nagtatag ng Girl Scout of the Philippines at tinagurian ding ­“Florence Nightingale of the Philippines” ay dakilang civic leader, social worker at tagapagtanggol ng mga kababaihan. Noong Enero 6, 1945, dinukot siya ng mga Hapones, tinorture at pinatay. Hindi na nakita ang kanyang bangkay.

Si Jose Abad Santos ay naging Chief Justice ng Korte Suprema noong Disyembre 24, 1941 makaraang italaga ni President Manuel  Quezon. Nang tumakas sina Quezon sa Corregidor at nagtungo sa Australia si Abad Santos ang inatasan niyang maging caretaker ng bansa. Nadakip siya at ang kanyang anak ng mga Hapones sa Malabang, Lanao del Sur. Noong Mayo 2, 1942, pinatay siya ng mga Hapones, nang tumangging makipagtulungan at kilalanin ang gobyernong Hapones. Mas mabuti pang mamatay, aniya kaysa manumpa sa mga kaaway.

Si Vicente Lim, isang heneral ay nadakip ng mga sundalong Hapones sa Bataan. Pinahirapan siya at saka walang awang pinatay noong Enero 15, 1945.

Ang tatlong ito ang pinalitan ng pambansang ibon ng Pilipinas. Mas mahalaga pa ang agila kaysa mga taong nagbuwis ng buhay para sa bayan. Ayon kay BSP Governor Benjamin Diokno, hindi naman daw winawalang-halaga ang kabayanihan ng tatlo. Naging kalakaran na rin naman daw ngayon ang paglalagay ng fauna at flora sa perang papel. Maraming bansa na rin daw ang gumagawa nito sa kasalukuyan.

Maaari namang ilagay ang Philippine Eagle sa P1,000 bill na hindi masasakripisyo ang larawan ng tatlong bayani. Puwede itong ilagay sa likod. Mas mahalaga ang mga bayani kaysa sa agila kaya nararapat lamang na hindi sila alisin. Hayaang nasa pera sila para laging nakikita at naaalala ang ginawang pagsasakripisyo sa Inang Bayan.

Show comments