Dear Attorney,
Natanggap ko na po ang 13th month pay ko ngunit nagulat ako nang mas mababa ito sa sahod na natatanggap ko sa loob ng isang buwan. Maari po ba ito sa ilalim ng ating batas? —James
Dear James,
Sa ilalim ng Presidential Decree No. 851, ang thirteenth month pay hindi dapat bababa sa one-twelfth ng kabuuang sahod na natanggap ng isang empleyado mula sa kanyang employer sa loob ng kasalukuyang taon. Upang makuha ito, kailangan mo lang sumahin ang natanggap mong sahod sa buong taon mula sa iyong employer at pagkatapos ay i-divide o hatiin ito sa 12.
Mahalagang tandaan na kapag kinokompyut ang 13th month pay, basic salary lang dapat ang isama. Ibig sabihin, hindi dapat kasama sa kompyutasyon ang mga allowances at iba pang monetary benefits na natanggap ng empleyado na hindi saklaw ng basic salary katulad ng overtime, holiday pay, cost of living allowance at iba pa.
Base sa nabanggit, dalawa lamang ang nakikita kong dahilan kung bakit lumalabas na mas mababa ang natanggap mong 13th month pay sa iyong sinasahod sa isang buwan. Una, maaring hindi ka pa nakaka-isang taon sa iyong trabaho. Kung wala ka pang 12 buwan sa iyong kasalukuyang employer ngayong Disyembre, natural na mas mababa sa isang buwang sahod ang iyong matatanggap na 13th month pay dahil katulad ng nabanggit, ang mga natanggap mong sahod ngayong taon mula sa kasalukuyan mong employer ang magiging basehan sa pagbibilang ng 13th month pay.
Ang isa pang dahilan na nakikita ko ay baka isinama mo ang mga allowances at iba pang mga dagdag na monetary benefits sa pagkukumpara mo sa iyong buwanang natatanggap at sa iyong 13th month pay. Katulad ng nabanggit, basic salary lang ang kasama sa pag-compute ng 13th month pay kaya maaring mas mababa ito sa natatanggap ng isang empleyado sa isang buwan lalo na kung marami siyang natatanggap na iba’t ibang klase ng allowances.
Bukod sa mga nabanggit, wala na akong ibang nakikitang dahilan upang maging mas mababa sa isang buwang basic salary ang iyong 13th month pay. Kung wala sa mga dahilan na sinabi ko ang nagbibigay kasagutan sa katanungan mo, mainam na liwanagin mo muna sa iyong employer ang isyu ukol sa iyong 13th month pay bago ka magpasya sa pagsasampa ng pormal na reklamo sa mga kinauukulan.