Wagas na pag-ibig
SI Mary Shelley ay English novelist na nakilala sa kanyang Gothic novel na Frankenstein. Ang mister niyang si Percy Shelley ay isa namang poet, na namatay sa batang edad na 29 noong 1822. Inabot ng bagyo ang sinasakyang barko at ito ay lumubog. Pagkaraan ng ilang araw, natagpuan ang bangkay ni Percy na nakilala lamang sa suot niyang damit.
Pagkatapos i-cremate ang bangkay ni Percy, napansin ng staff ng punerarya, na hindi nasunog ang puso nito. Nanatili itong buo bagama’t natusta ang ibabaw na bahagi. Nag-calcified ang puso. Ibig sabihin ay tumigas na ito na parang bato.
Base sa opinyon ng modern day physician, may tuberculosis si Percy at may kinalaman ang gamot na iniinom nito kaya ang puso ay na-calcified. Kinuha ni Mary ang puso ng asawa.
Sa halip na ilibing ang puso kasama ng abo ni Percy, ito ay ibinalot ni Mary sa puting tela. Binibitbit niya iyon saan man siya magpunta. Nagbibigay ito sa kanya ng kaligayahan. Hindi man niya makapiling ang pisikal na katawan, literal naman niyang kasama ang puso ng minamahal na asawa.
Noong 1852, isang taon matapos pumanaw si Mary, natuklasan ng kanyang anak na ang puso ng kanyang ama ay nakatago sa desk ng ina. Nakabalot ito sa ilang pahina ng libro ng tula na sinulat ng kanyang ama, ang Adonais. Itinago pa rin ng anak ang puso ng kanyang ama.
Nang pumanaw ang anak noong 1889, ang puso at abo nito ay pinagsama nang ilibing sa iisang vault.
- Latest