Kampanya na ba?

ANG official campaign period para  sa 2022 elections ay magsisimula  pa sa Pebrero 8, 2022 para sa mga tatakbo sa national post at Marso  25  pa para naman sa tatakbo sa local na posisyon.

Pero sa nakikita natin sa kasalukuyan, mistulang umaarangkada na kampanya.

Aba’y kabi-kabila na ang mga paglilibot ng mga kandidato, meron pa nga na tatakbo sa local post eh gusto na ring makisabay.

Malayu-layo pa man ang kampanya, meron nang masusumpungan na mga nakadikit at nakasabit na  mga poster at banner ng mga kandidato sa iba’t ibang lugar.

Kilala ang Pinas sa may pinakamahabang selebrasyon ng holiday season o Kapaskuhan kasi nga pagpasok ng ‘ber months’ umpisa na ang mga isinasagawang paghahanda.

Ngayon mukhang kilala na rin ang Pinas sa sinasabing may pinakamahabang kampanya sa eleksyon. Eh kasi nga, hindi pa man opisyal na kampanya nauuna na ang iba.

Kahapon nilinaw ng DILG na hindi pa campaign period kaya ipinagbabawal pa ang political rallies.

Bukod sa hindi pa panahon ng kampanya, aba’y dapat ding maisa alang-alang ng mga organizer ng ganitong mga aktibidades na panahon pa rin ng pandemya.

May bago pang mas nakakahawang variant ang Omicron, na siya ngayong variant of concern hindi lang sa Pinas kundi sa buong mundo.

Dapat din marahil na maghigpit muna sa ganitong mga event  na posibleng maging super spreader ng virus at makumpromiso ang minimum public health.

Sa ganito kasing mga event, hindi maiiwasan ang pagdagsa at makakahatak ng maraming bilang ng tao na talaga namang nakakapangamba dahil nga mayroon pang pandemya.

Patuloy na nadadagdagan ang mga bansa   kung saan napasok na ni Omicron variant,  at kung patuloy na hindi mag-iingat at magpapabaya ang bawat isa, hindi malayong anumang araw ay makapagtala na rin nito sa bansa.

‘Wag na rin sanang mangyari na muling umalagwa ang kaso ng COVID dahil lamang sa pagpapabaya at kawalang pakialam ng ilan.

 

Show comments