EDITORYAL - Katapangan at kabayanihan ni Andres Bonifacio
SA lahat nang bayaning Pilipino, tanging si Andres Bonifacio ang ipinagdiriwang ang araw ng kapanganakan sa halip na ang kanyang kamatayan noong Mayo 10, 1897. Ito ay dahil hindi maganda ang naging kamatayan ng Supremo ng Katipunan. Masyadong karumal-dumal ang kanyang naging kamatayan hindi sa mga kamay ng kaaway kundi sa kanyang mga kapwa Pilipino at karebolusyunaryo.
Pinatay si Andres at kanyang kapatid na si Procopio noong Mayo 10, 1897 sa Mt. Buntis sa Maragondon, Cavite. Binaril ang magkapatid at tinaga. Makaraan silang patayin, inilibing sila sa isang lugar na walang palatandaan kaya hindi matiyak kung ang nahukay na buto noong 1918 sa isang tubuhan sa Maragondon ay kay Bonifacio. Inilagay sa isang urna ang mga buto at inilagak sa National Library na nasa Legislative Building. Nang bombahin ang Maynila noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nasira ang mga buto ni Bonifacio.
Ipinanganak si Bonifacio sa Tondo, Manila noong Nobyembre 30, 1863. Lima silang magkakapatid at siya ang panganay. Maaga silang naulila kaya siya ang nagtaguyod sa kanyang mga kapatid. Marami siyang pinasukang trabaho. Nagtinda ng mga tungkod at pamaypay. Nagtrabaho siya sa isang British company at pagkatapos ay sa German company. Nagbigay sa kanya ng inspirasyon ang mga nabasang libro ukol sa French Revolutions, ganundin ang mga sinulat ni Victor Hugo at ang mga librong Noli Me Tangere at El Felibusterismo ni Dr. Jose Rizal.
Itinatag niya ang Katipunan. Sinimulan nila ang rebolusyon sa pagpunit ng mga sedula. Lumaban nang buong giting sa mga Kastila sa kabila na kulang sa armas. Maraming namatay sa mga Katipunero. Ganunman, hindi sumuko si Bonifacio para maipagtanggol ang Inangbayan sa mga dayuhan pero sa kamay lang pala ng kapwa Pilipino matatapos ang buhay.
Sa susunod na taon, maghahalal ang mamamayan ng bagong lider ng bansa. Sana, isang lider na may tapang ni Bonifacio ang maiupo sa puwesto. Ngayong nanganganib ang mga teritoryo sa West Philippine Sea, ang kailangan ay pinuno na handang ipagtanggol ang ari-arian at hindi basta ipamimigay lang sa bansang naghahari-harian. Kailangan ngayon ang pinunong hindi masisindak at handang lumaban sa mga tumatapak sa soberanya ng mahal na Pilipinas.
- Latest