Employer, obligado bang magbigay ng vacation leave sa mga empleyado?
Dear Attorney,
May pitong araw po akong vacation leave sa trabaho ko ngayon. Gusto ko lang po sanang tiyakin kung sapat na po ba ito sa ilalim ng batas. Sa dati ko po kasing kompanya ay 15 days ang aming vacation leave. —Erwin
Dear Erwin,
Walang nakalagay sa batas na kailangang magbigay ng employer ng vacation leave sa kanyang mga empleyado. Ang tanging nakasaad sa ilalim ng Labor Code ay ang pagbibigay ng tinatawag na service incentive leave, na limang araw na paid leave kada taon para sa mga empleyadong nakapagsilbi na ng hindi bababa ng isang taon sa kanyang kasalukuyang employer.
Dahil wala naman ito sa batas, hindi masasabing may karapatan ang isang empleyado sa pagkakaroon ng vacation leave. Kung may mga employers man na nagbibigay ng benepisyo na ito sa kanilang empleyado, ito ay boluntaryo lamang.
Dahil boluntaryo, kanya-kanya ang polisiya ng bawat employer ukol sa pagbibigay ng vacation leave kaya hindi mo maaring ikumpara ang vacation leave benefits na ibinibigay ng ibang kompanya sa vacation leave benefits ng kompanya mo ngayon.
Ang tanging magagawa mo lamang ay tingnan ang iyong employment contract, ang collective bargaining agreement ng mga empleyado kung mayroon man, at ang mga polisiya ng inyong kompanya upang matukoy kung nararapat ba ang bilang ng araw ng iyong vacation leave.
- Latest