DAHIL nga sa patuloy na pamamayagpag ng mga pekeng text messages o spam texts na nag-aalok ng mga pekeng trabaho at marami na ang nabibiktima nito, aba’y talagang ‘full force’ ang mga ahensya ng gobyerno para balaan at paalalahanan ang ating mga kababayan na mag-ingat sa mga ito.
Ikinababahala na nga kasi ito maging ng Malacañang at gaya ng ating naipangako, magbibigay tayo ng ilang tips para hindi mahulog sa ganitong mga modus ng mga kawatan.
Una na rito, na huwag direktang mag-reply sa natatanggap ninyong spam text message. Kasi nga kapag nag-reply kayo, alam ng mga kawatan na ito na interesado kayo sa kanilang inaalok na panggagantso.
Huwag agad-agad ipagpalit ang inyong mga personal na impormasyon, dahil lamang sa pangakong cash. Karamihan sa lehitimong kompanya ay hindi hinihingi ang inyong password, account details at iba pang personal na info via text messages.
Huwag kasing pindot agad nang pindot sa mga natatanggap na spam text messages kapag pinindot ninyo yan, hindi ninyo namamalayan nakukuha na nila ang ilang impormasyon sa inyo. Sinasabi ng mga awtoridad na nagiging daan din ito kaya minsan ay nakakatanggap kayo ng unwanted charges kaya dapat din na regular na ma-check ang inyong cellphone bills.
Mas makabubuti na rin na ipaalam ang ganitong mga spam texts sa inyong wireless carrier.
Pero sa lahat ng ito, dapat maging vigilante at huwag agad-agad magpapaniwala sa mga natatanggap na messages.
Dapat maging matalino, at huwag pumayag na maloko.
Ignore, ignore na muna, yan ang payo ng aking anak sa mga spam texts na natatanggap mo maski sa aking gamit na cellphone.