Facts tungkol sa aswang (Part 7)

ANO ang ginagawa ng isang normal na tao na gustong maging­ aswang pero walang kakilalang aswang na magpapasa sa kanya ng bertud?

Fertilized eggs ang pangunahing kailangan ng do-it-yourself method para maging aswang. May mga taong naghahangad ng kapangyarihan kahit pa ito ay magdadala sa kanila sa impiyerno. Gusto nilang maranasang lumipad, o kaya ay mag-anyong iba’t ibang hayop sa pamamagitan ng magic.

Ang isang paraan ay itatali sa tiyan ng taong nais maging aswang ang isang fertilized egg. Ano ba ang fertilized egg? Ito ‘yung egg na matapos limliman ay nagiging sisiw. Ang fertilized egg ay itlog na produkto ng “mating” ng inahin at tandang.

Ang manok ay puwedeng mangitlog nang hindi dumaan sa pakikipag-mate sa tandang. Ang itlog na ito ang hindi dapat gamitin sa do-it-yourself method dahil hindi ito napipisa para maging sisiw. Ito ang itlog na madalas ibinebenta sa palengke.

Paano malalaman na ang itlog ay fertilized? Paki-google na lang. Tutal malakas ang loob mong maging aswang, research-research din kung may time.

Matapos matiyak na fertilized ‘yung itlog na gagamitin, kumuha ng mahabang tela. Itapat ang itlog sa pusod at itali ito gamit ang mahabang tela. Hintaying uminit ang itlog mula sa temperature ng iyong katawan. Eventually, mapipisa nang kusa ang itlog at lalabas ang sisiw at papasok ito sa iyong katawan. Walang paliwanag. Basta’t magic na makakapasok sa iyong katawan ang sisiw. Pakiramdaman ang sarili. Tagumpay ang iyong do-it-yourself kapag nakakaya mo nang humuni ng kik-kik na parang isang ibon. Ganap ka nang aswang na naglalakad lang at walang kakayahang lumipad.

Kung nais maging flying aswang, ilagay ang dalawang itlog sa magkabilang kilikili. Gawin ito sa kabilugan ng buwan at mas epektibo raw kung sa Biyernes Santo. Kaya lang this time, may orasyon na bibigkasin. Kapag magic na nawala ang itlog na nakaipit sa kilikili, palatandaan iyon na ganap ng aswang ang isang tao. Hintaying umusbong ang pakpak sa kilikili pagsapit ng hatinggabi. (Itutuloy)

Show comments