Babae sa Ireland na laging sumasakit ang lalamunan, natuklasang nalunok niya ang pakete ng kanyang gamot!
ISANG 40-anyos na ginang mula Northern Ireland ang nakatagal ng 17 araw na may nakabarang pakete ng gamot sa kanyang lalamunan matapos malunok ito kasama ng iniinom na gamot!
Ayon sa ginang, gabi at madilim na sa kanyang silid tulugan nang ininom niya ang pain killer medicine na inireseta ng doktor. Dahil sa kaantukan, hindi niya alam na pati ang pakete nito ay nalunok na niya.
Gumising siya kinaumagahan na may nakabara sa kanyang lalamunan. Nang patingnan niya sa EENT doctor, wala namang nakitang kakaiba nang sumailalim siya sa x-ray. Pinabalik na lang siya ng doctor kung may mararamdaman siyang kakaiba.
Sa loob ng dalawang linggo, nagpabalik-balik ang ginang sa ospital tuwing may nararadaman siyang kakaiba sa kanyang lalamunan ngunit sa tuwing ipapa-xray siya, normal ang lumalabas sa resulta kaya lagi lamang siyang pinapauwi.
Nang magpatingin na siya sa ibang ospital at sumailalim sa oesophagogastroduodenoscopy (OGD) scan, nakita ang pakete ng gamot sa kanyang upper oesophagus.
Matagumpay na natanggal ang pakete sa kanyang lalamunan at agad din siyang nakauwi matapos siyang maobserbahan na walang nagawang pinsala ang pakete sa kanyang katawan.
- Latest