NAGPAKASAL sa pamamagitan ng video teleconference software na Zoom ang long distance lovers na si Ayse mula UK at Darrin mula U.S.
Dahil sa mahigpit na lockdown sa buong mundo noong 2020, sumali si Ayse sa isang Facebook group na nagkokonekta sa mga taong nababagot at naghahanap ng digital pen pals. Nakilala ni Ayse sa FB group na iyon ang isang misis mula Detroit, U.S. na si Kenda.
Nang malaman ni Kenda na single si Ayse, inireto nito ang kanyang anak na si Darrin. Naging regular ang pakikipag-chat at video call nina Ayse at Darrin sa loob ng ilang buwan.
Sa ikalimang buwan ng kanilang online friendship noong Nobyembre 2020, naglakas loob si Darrin na dalhin sa next level ang kanilang relasyon at pumayag naman si Ayse.
Sinubukan ni Ayse makipagkita kay Darrin noong Hulyo 2021 ngunit hindi siya nabigyan ng US Visa kaya hindi natuloy ang kanilang pagkikita.
Dahil sa kabiguang ito, nakaisip ng ideya si Darrin na magpakasal sila online dahil may bagong batas sa Utah na maaari nang legal na magpakasal sa pamamagitan ng virtual wedding ceremonies. Agad namang pumayag si Ayse sa ideyang ito at ikinasal sila noong nakaraang Agosto.
Sa kasalukuyan, naghihintay pa rin na makakuha ng US Visa si Ayse upang manirahan na siya sa US kasama ang kanyang asawa.