EDITORYAL - Singilin, Pharmally officials na hindi nagbayad ng buwis
![EDITORYAL - Singilin, Pharmally officials na hindi nagbayad ng buwis](https://media.philstar.com/photos/2021/11/14/punto_2021-11-14_05-19-14.jpg)
MAY malaking trabaho ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at dapat kumilos sila para naman magkaroon ng pondo ang bayan at hindi utang nang utang. Trilyones na ang utang ng bansa at lomolobo na. Kung masisingil ng BIR ang mga dayuhang kompanya na nakinabang sa pamahalaan, makakatulong nang malaki sapagkat bilyong piso ang makokolekta.
Hindi lang ang maanomalyang transaksiyon na pinasok ng Pharmally Pharmaceuticals Corporation sa pamamagitan ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) ang umalingasaw makaraang halukayin ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon. Nalantad na hindi nagbabayad ng tax ang mga opisyal ng Pharmally. Sa imbestigasyon, nakopo ng Pharmally ang 26.39 percent ng P42-bilyon na kontrata para sa medical supplies ng PS-DBM sa kabila na ang capital ay P625,000 lamang.
Ayon sa imbestigasyon ng Senado, ang company president na si Twinkle Dargani ay nagbayad lamang ng P1,000 para sa kanyang income taxes noong nakaraang taon. Ang kapatid nito na si Mohit Dargani, corporate secretary ay nagbayad lamang ng P97,241 noong nakaraang taon.
Nabuking din ng Senado ang mamahaling sasakyan nina Twinkle at Mohit na binili makaraang makakopo nang malaking kontrata sa pamahalaan. Si Twinkle ay may 2021 model ng Lamborghini Urus na P25 milyon ang halaga samantalang si Mohit ay mayroong 2021 Porsche 911 Turbo S na nagkakahalaga ng P8.5 million. Binili ang mga sasakyan anim na buwan matapos ang transaksyon ng Pharmally sa PS-DBM.
Si Linconn Ong na opisyal pa rin ng Pharmally ay mayroong P13.5 milyon na Porsche Carrera 4S; P5.9-milyon na Lexus RCF at Porsche 911 Turbo S na nagkakahalaga ng P8.5 milyon.
Si Rose Nono Lin na treasurer ng Pharmally ay may 2020 Land Rover/Range Rover SC na P11.9 milyon ang halaga; 2019 Lexus LX450D na nagkakahalaga ng P8.8-milyon; 2018 Cadillac Escalade na P8.9-milyon ang halaga at Toyota Land Cruiser P4.8-milyon ang halaga. Itinanggi naman ni Lin ang mga akusasyon at sinabing ang kanilang kompanya ay hindi bahagi ng sister firm Pharmally Pharmaceuticals. Ang asawa raw niya ang may hilig sa luxury vehicles.
Nakakalula ang mga nabisto ng Senado sa pag-iimbestiga sa Pharmally. Hindi na maghihirap ang BIR sa paniningil sa mga ito. Dapat gumawa ng hakbang ang BIR sa mga ito para masingil sa mga buwis na hindi binabayaran. Kumita sila ng bilyones mula sa transaksiyon sa pamahalaan pero ayaw magbayad ng buwis.
- Latest