MATAPOS ang ilang oras na pagtatrabaho, nakaramdam si Josh Harder, 28, ng Guthrie, Oklahoma ng pangangalay ng leeg.
Hindi ito binigyang pansin ni Josh dahil pangkaraniwan na lang sa kanya na maramdaman ito lalo na’t siya’y work from home at ilang oras nakaupo sa harap ng computer.
Ang tanging solusyon niya tuwing nangangalay ang leeg ay mag-inat at palagutukin ito.
Ngunit sa pagkakataong ito, masyado niyang nadiinan ang pag-iinat at nakarinig siya nang malakas na tunog sa kanyang leeg. Mabilis siyang nawalan ng pandama sa kaliwang bahagi ng kanyang katawan at hindi na siya makalakad nang diretso.
Pagkadala sa kanya sa ospital, nakumpirma ng mga doktor na siya’y na-stroke at agad siyang binigyan ng tissue plasminogen activator.
Ayon sa kanyang doktor na si Dr. McCollom, napunit ang vertebral artery ni Josh matapos ang labis na pag-iinat at pagpapalagutok ng kanyang leeg. Maituturing na suwerte pa rin si Josh dahil kalimitan sa mga nakakaranas ng vertebral artery tear ay naco-comatose o namamatay.
Dagdag ni Dr. McCollom, sobrang bihirang kaso ang ma-stroke dahil sa pag-iinat ng leeg. Pero ayon sa kanya, maging maingat at marahan lamang sa tuwing mag-iinat ng leeg.
Sa kasalukuyan, fully recovered na si Josh matapos sumailalim sa mga physical at speech therapy.