NASA Alert Level 2 na ang Metro Manila na tatagal hanggang Nobyembre 21. Napaaga ang pagsasailalim sa Alert Level 2 na dapat ay sa Nobyembre 15 pa. Pero dahil sa mabilis na pagbaba ng kaso ng COVID-19, ginawa nang mas maaga upang makapagbukas na ang mga establisimento at nang umusad na ang ekonomiya.
Sa ilalim ng Alert Level 2, pinapayagan na ang 50 percent operational capacity para sa indoor venues sa mga customer na bakunado. Ang kapasidad naman para sa outdoor venues ay 70 percent pero dapat bakunado ang lahat ng empleyado ng establisimento.
Nagbabala naman ang Malacañang na mahigpit na ipatupad ang patakarang “no vaccine, no entry” sa mga customer. Lahat lamang ng bakunado ang nararapat papasukin. Ang mga establisimento na magpapapasok ng hindi bakunado ay mahaharap sa kaso. Kapag may nakapasok na hindi bakunado, posibleng kumalat ang virus at muling magkaroon ng lockdown at isasara muli ang mga establisimento. Nararapat ipakita ng customer ang kanilang vaccination card kapag papasok sa anumang establisimento.
Nararapat nang ipatupad ang ganitong polisiya sapagkat kung magpapapasok ang mga establisimento ng mga hindi bakunadong customer, balewala ang vaccination program dahil kakalat ang virus. Wala nang pahinga. Sara-bukas ang mga establisimento dahil patuloy ang pagdami ng virus.
Kailangan namang maging mapagmatyag at baka dumami ang magpepeke ng vaccination cards para gamitin sa pagpasok sa establishment. Hindi naman kaila na maraming mahuhusay pumeke sa vaccine cards. Kung ang COVID-19 test results ay napepeke, ang vax cards pa kaya?
Habang pinatutupad ang polisiya sa “no vaccine, no entry”, paigtingin naman ang pagbabakuna sa general public. Hikayatin na magpabakuna na ang lahat para ganap na maabot ang target na 70 milyon bago matapos ang taon.
Dapat namang suportahan ang panawagan ni National Task Force Against COVID-19 (NTF) chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na gawing mandatory ang pagbabakuna. Ayon kay Galvez, ginawa na ito sa ibang bansa, gaya sa United States at sa New Zealand. Hindi rin puwedeng makapasok sa establishment ang mga hindi bakunado.