EDITORYAL – Maagang panga­ngampanya ‘di-na maawat ng Comelec

HINDI pa nagsisimula ang filing ng certificate of candidacy (COC), marami nang kandidato ang simpleng nangangampanya at hindi ito napa­pansin ng Commission on Election (Comelec). Kahit nga sa mga vaccination centers ay palihim nang nangangampanya ang mga balak tumakbo. May mga nagpapakain ng lugaw sa mga babakunahan, may nagbibigay ng pamaypay at mineral water na nakabalandra ang pangalan at iba pang mga bagay na maalala ang pangalan. Ito ay paraan na ng pangangampanya. Itinatatak na ng pulitiko sa isipan ng mga tao ang kanilang pangalan.

Ang mga ganitong premature campaigning ay napansin ng poll watchdog Kontra Daya at tinatawagan nito ang Comelec na kumilos para naman matigil ang ganitong gawain na mahigpit na pinagbabawal sa ilalim ng election code. Dapat daw gumawa ng hakbang ang Comelec sa mga guma­gawa ng electioneering na lantarang paglabag sa batas.

Ayon kay Kontra Daya convenor Danilo Arao, nararapat nang umaksiyon ang Comelec at hindi dapat magpatali sa legal na teknikalidad ng batas. Inihalimbawa ni Arao ang ginagawang motorcades at iba pang mass gatherings ng mga kandidato na maituturing nang pasok sa electioneering. Ayon kay Arao, patuloy silang magmamatyag at mag­babantay sa ginagawang premature campaigning­ lalo na at ang ginagamit na pondo ay galing sa kaban ng bayan o pondo ng pamahalaan.

Nararapat talagang maawat ang maagang panga­ngampanya ng mga pulitiko. Pero paano ito magagawa kung wala namang kumikilos sa Comelec? Sa kasalukuyan, namumutiktik na sa campaign posters ng kandidato ang mga pader, poste at mga dingding pero walang pumapansin. Hindi kaya ng Comelec ang mga sutil na kandidato na supilin sa maagang pangangampanya. Dekorasyon lang ang batas sa election.

Show comments