NAKABABAHALA ang pagdidikit-dikit at pagkukumpul-kumpol ng mga tao sa mga binuksang pasyalan, parks at beaches sa Metro Manila. Ang pagkukumpul-kumpol ang karaniwang dahilan nang pagdami ng kaso ng COVID-19. Mabilis ang transmission ng virus sa mga matataong lugar. Labinlimang minuto lang ay nakakapit na ang virus lalo na ang Delta variant. At paano kung ang mga nagkumpul-kumpol ay pawang unvaccinated? Madali silang tatamaan at malamang na maospital. Ayon sa Department of Health (DOH) karaniwang ang mga naoospital at nagdaranas ng severe COVID ay ang mga walang bakuna.
Ang pagdagsa ng mga tao sa Dolomite Beach sa Manila Bay mula nang ibaba sa Alert Level 3 ang Metro Manila ay naghahatid ng pangamba. Ilang araw nang siksikan sa tao ang man-made beach na ginastusan ng P389 milyon ng pamahalaan bilang bahagi ng pagpapaganda sa Manila Bay. Galing sa Cebu ang giniling na dolomite at patuloy pa ang pagtatambak.
Kahapon, dagsa na naman ang mga tao sa Dolomite Beach at kapansin-pansin na hindi lamang namamasyal ang mga tao kundi may mga naliligo na rin. Marami na ring bata ang kasama sa pamamasyal. May mga nakita ring kumakain ng mga dala nilang baon sa beach.
Isa pang kapansin-pansin bukod sa pagkukumpulan ng mga tao, may ilang namamasyal na walang suot na face mask at face shield. Hindi na nasusunod at nababalewala na ang health protocols.
Ibig sabihin kaya marami ang lumalabag sa mga namamasyal sa beach ay dahil maluwag na ang mga tagabantay. Wala nang nagpapatupad ng mga kautusan at bara-bara na ang mga tao. Kapag nagpatuloy ang ganito, hindi malayong dumami muli ang kaso ng COVID. Balik uli sa pagsisiksikan sa mga ospital. Huwag sanang abusuhin ang pagluluwag dahil nasa paligid pa ang virus.
Ipatupad nang maayos ang mga kautusan para makaiwas sa virus at huwag magkampante. Hindi pa panahon ng pagsasaya.