70-anyos na ginang sa India, nanganak!
MULA nang ikasal si Jivuben Valabhai Rabari sa kanyang mister 45 taon na ang nakalilipas, wala na siyang iba pang hiling kundi mabiyayaan sila ng anak.
Ngunit sa tuwing sinusubukan nilang magkaroon ng anak, hindi nagiging matagumpay ang kanyang pagdadalantao.
Nang mag-70-anyos si Rabari, nakilala niya ang gynecologist na si Dr. Bhanushali. Tanyag sa kanilang lugar si Bhanushali na nakatulong sa mga ginang na may edad 45 hanggang 50 na makapagdalantao sa pamamagitan ng IVF treatment.
Sa unang paglapit ni Rabvari sa doktor, agad siyang tinanggihan nito sa kadahilanang delikado na sa kanyang edad ang magbuntis. Pero sa pagpupumilit ng ginang, napapayag din ang doktor na sumailalim siya sa IVF treatment.
Hindi naging madali ang proseso ng insemination kay Rabari dahil 20 years na itong nag-menopause.
Dahil dito, binigyan siya ng hormone treatments at sumailalim din siya sa uterus widening procedure. Matapos ang mga nasabing procedure, pinunlaan ng isang embryo sa tulong ng IVF si Rabari.
Pagkatapos ng 15 days, nakitaan ng heartbeat ang embryo at nagpatuloy na ang pagbubuntis ng ginang.
Pagsapit ng ikawalong buwan ng pagbubuntis ni Rabari, naging malala na ang hypertension ng ginang kaya sumailalim na sa maagang delivery ang baby kahit walong buwan pa lamang ito sa sinapupunan.
Naging matagumpay ang panganganak ni Rabari. Nagluwal siya ng sanggol na lalaki.
Sa kasalukuyan, stable na ang lagay ng mag-ina. Pinangalanan nila ang sanggol na Laalo.
- Latest