EDITORYAL - Nasaan na ang ­pinasabog na anomalya sa SAP?

HINDI na tinupad ni Sen. Manny Pacquiao ang pangako na pagdating niya mula United States pagkatapos ng kanyang laban ay isisiwalat na niya ang mga katiwalian sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) na kinasasangkutan umano ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Nalimutan na ba niya ang pangako? Bago umalis ang senador noong Hulyo para mag-ensayo sa laban sana kay Errol Spence Jr, na napunta naman kay Yordenis Ugás, ipinresenta pa niya ang talaksan ng dokumento na magdidiin umano sa katiwaliang kinasasangkutan ng SAP.

Si Pacquiao, kumakandidatong Presidente para sa May 2022 elections ay wala nang nababanggit ukol sa anomalya. Abala na siya ngayon sa pamumudmod ng pera sa mga mahihirap. Binibigyan na ng kulay ang kanyang pamumudmod at sinasabing “vote buying” na pero sabi ng kanyang kampo, gumagawa lamang ng kabutihan ang senador. Patuloy anila itong magbibigay ng pera sa mga nangangailangan. Marami anilang nagugutom at biktima ng kalamidad at pati ng pandemya.

Maganda ang hangarin ni Pacquiao pero sana tuparin muna niya ang sinabing pagbubulgar ng katiwalian na may kaugnayan sa pamudmod ng ayuda o SAP. Mga mahihirap o maliliit din ang apektado sa anomalya kaya dapat itong maimbestigahan.

Sinabi noon ni Pacquiao na P10.4 bilyong pondo ng SAP ang nawawala. Ayon sa kanya, 1.3 milyong benepisyaryo ang hindi nakatanggap ng ayuda na kailangan pa naman dahil sa pandemya. Sabi pa ni Pacquiao, nakakalula sa laki ang nawalang pondo.

Hindi lamang ang bilyong pondo ang isiniwalat ni Pacquiao kundi pati na rin ang paggamit ng Starpay e-wallet para maipamahagi ng SAP. Ayon kay Pacquiao, napasukan ng katiwalian ang pamamahagi ng ayuda. Mayroon daw inilaan na humigit-kumulang na P50 billion ang DSWD para sa isang hindi kilalang e-wallet na kung tawagin ay Starpay na ang paid-up capital lang ay P62,000. Pero nagtaka ang senador sapagkat sa 1.8 million na binigyan mula sa Starpay ay 500,000 lamang daw ang nabigyan ng ayuda. Bawal din daw i-withdraw ang ayuda kung walang app pero ang problema, marami ang hindi makapag-download nito.

Sabi naman ng DSWD, handa silang maimbestigahan sa mga alegasyon. Magpipresenta umano sila ng mga mahahalagang ebidensiya at dokumento kaugnay sa mga sinabi ng senador.

Dapat ituloy ni Pacquiao ang ibinulgar na anomalya. Kung hindi, magkakatotoo ang sinabi ng Malacañang na ‘‘watusi” ang kanyang pinasabog. Walang maniniwala sa kanya.

Show comments