SA mga nakalipas lamang na linggo, sunud-sunod ang drug operations na isinagawa ng mga awtoridad sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kapansin-pansin dito, ang pagkakasabat sa bultu-bulto na namang droga.
Hindi maliit na halaga kundi milyun-milyon at ilan nga ay umabot pa sa bilyon ang halaga.
Medyo mahabang panahon, bagama’t hindi naman talaga natigil nang husto ang operasyon ng illegal drugs, pero kahit papaano eh nabawasan o bahagyang nanahimik dahil nga sa pinatinding operasyon ng mga awtoridad.
Pero eto nga at tila ramdam na naman ang presensiya ng mga taong sangkot dito.
At ang kapuna-puna nga rito, mistulang naging todo -aktibo na naman ang ilegal na droga kaalinsabay sa nalalapit na halalan.
Maging ang ating kapulisan, naniniwalang nagiging aktibo ang operasyon ng illegal drugs kapag papalapit ang eleksyon.
Hindi umano maisasantabi na may mga pulitiko kasi na sumasangkot dito sa pamamagitan nang pagbibigay proteksyon sa sindikato kapalit ng malaking halaga.
May ilan pa nga na sila mismo ang dawit sa ilegal na gawain, para makalikom ng pondo na gagamitin sa eleksyon.
Iyan ngayon ang binabantayan ng PNP.
Nauna nang nagbabala si PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na nagsasagawa na sila ng monitoring at intelligence –gathering laban sa ganitong uri ng mga pulitiko.
Maging ang PDEA todo-tutok na rin sa ganitong panahon sa posibleng pagiging aktibo ng malalaking sindikato ng droga.
Nakakalungkot na may ilan talaga na sa paghahangad na manalo sa halalan, eh sasangkot sa ganitong mga aktibidades. Nakakaawa ang mga pagsisilbihan ng mga ito, sakaling manalo.
Biruin ninyong drug money ang ginamit nito para manalo.
Nakakatakot na mahirati ang mga pulitikong ito at sa kanilang pag-upo kung manalo eh mas lalong magpatuloy ito sa illegal na gawain.
Hindi dapat paupuin ang ganitong mga pulitiko, kaya dapat na maging mapanuri ang mga boboto.