Nangungupahan, maari bang paalisin ng bagong may-ari ng unit?

Dear Attorney,

Ibinenta na po ng landlord ko ang aking inuupahan. Maari ba akong i-evict basta-basta? ­Nangangamba po kasi ako na baka bigla na lang akong paalisin ng bagong may-ari. —Pam

Dear Pam,

Hindi mo nabanggit ang ­halaga ng buwanang renta mo at kung nasaan ang condominium unit na iyong inuupahan. Kung ang buwanang renta mo kasi ay hindi hihigit sa sampung libong piso kada buwan, hindi ka mapapaalis ng bagong may-ari ng unit at kailangan niyang irespeto ang ­pananatili mo hanggang hindi napapaso ang iyong lease contract, alinsunod sa Republic Act No. 9653 (Rent Control Act of 2009).

Kung higit naman sa sampung libong piso ang iyong binabayarang renta buwan-buwan, hindi na saklaw ng RA No. 9653 ang sitwasyon mo. Maari ka nang paalisin ng bagong may-ari, puwera na lang kung nairehistro sa Registry of Deeds ang lease contract sa titulo ng property na inuupahan mo o kung mayroong probisyon sa iyong kontrata kung saan nakasaad na kailangang irespeto ng bagong may-ari ang inyong lease contract hangga’t hindi pa ito napapaso.

Hindi naman ibig sabihin nito ay maari ka nang kaladkarin basta-basta ng bagong may-ari. Kailangan pa rin niyang magsampa ng kaso upang hilingin sa korte na ikaw ay ma-eject o mapaalis sa iyong inuupahan. Maari mo kasi siyang ireklamo kung ikaw ay puwersahan niyang paaalisin, lalo na kung walang kaukulang utos mula sa judge. Hindi rin mabilis ang proseso ng pagdedemanda, kaya kung magsasampa ng kasong ejectment ang bagong may-ari ay baka tapos na ang lease contract mo bago pa magkaroon ng resolusyon ang kaso.

Show comments