ISANG ‘‘psychic’’ sa California ang hindi nahulaan ang paparating na demanda sa kanya.
Kinasuhan kasi ang nagpapakilalang ‘‘psychic’’ na si Sophia Adams matapos siyang mabigo sa pag-alis ng sumpa sa kanyang customer.
Idinemanda siya ni Mauro Restrepo para sa halagang $25,000 (katumbas ng P1.2 milyon) dahil wala raw nagawa si Adams ukol sa sumpa sa kanya ng kanyang dating girlfriend.
Kumunsulta si Restrepo kay Adams nitong nakaraang Setyembre at pinayuhan siya ng psychic na mayroon daw sumpang inilagay sa kanya ang dating kasintahan. Kailangan daw itong alisin dahil kung hindi ay mamalasin siya at ang kanyang pamilya.
Siningil siya ni Adams ng $5,100 (katumbas ng P250,000) bilang paunang bayad sa pag-aalis ng sumpa ngunit sa kabila nito ay patuloy pa rin daw ang epekto sa kanya ng sumpa. Hindi pa rin kasi siya makatulog at lagi pa rin daw siyang balisa sa kabila ng pagkunsulta niya kay Adams.
Dahil dito, sinampahan niya ng kasong panloloko ang psychic bukod sa iba pang mga reklamo.