MAGSISIMULA na sa Nobyembre 15 ang pilot run ng face-to-face classes para sa kindergarten at senior high schools. Ayon sa Department of Education (DepEd), limitado lamang ang face-to-face classes. Una nang sinabi ng DepEd noong nakaraang buwan na 120 schools ang kasama sa face-to-face at gagawin ito sa mga lugar na mababa ang kaso ng COVID-19. Ayon sa DepEd, 20 private schools ang kasali sa face-to-face.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, ang mga lalahok na school sa face-to-face ay nararapat pumasa sa safety assessment ng DepEd. Kinakailangan din na may pahintulot ng lokal na pamahalaan ang pagsali ng school. Kailangan din na mayroong sulat mula sa magulang ng estudyante na pumapayag siyang pumasok muli sa school ang kanilang mga anak. Sabi pa ng DepEd secretary, kailangang may sapat na pasilidad ng mga paaralan para magpatupad ng mga health protocol. Kapag daw sa lugar ay may hawahan, posibleng itigil ang face-to-face.
Wala nang makakapigil sa face-to-face sapagkat pumayag na rin si President Duterte. Ayon sa pahayag ng Malacañang, kinikilala umano ng Presidente ang importansiya ng pagkakaroon ng face-to-face classes. Hindi raw ito isyu lang ng edukasyon kundi pati na rin ng mental health ng mga kabataan at isyu na rin ng ekonomiya dahil baka may henerasyon na mawala dahil walang face-to-face.
Kung ganun, dapat nang maghanda ang DepEd, mga guro, mga magulang at mga bata. Talagang tuloy na ang face-to-face sa Nobyembre 15. Sana naman bago sumapit ang petsang yan, bakunado na ang mga guro at pati na rin ang mga estudyante. Pumayag nang bakunahan ang mga menor-de-edad.
Kung mga bakunado na ang mga guro at estudyante, wala nang gaanong kaba dahil may proteksiyon na. Wala nang peligro. Ganunman, kahit na may bakuna, mayroon pa ring tinatamaan ng virus. Kapag nangyari ito, tuparin ng DepEd ang sinabing ititigil ang face-to-face sa lugar na may hawahan. Hindi dapat isugal ang kalusugan ng mga bata at guro.