EDITORYAL – Pagmamaltrato sa OFWs

MARAMI pa ring overseas Filipino workers (OFWs) ang dumaranas ng pagmamaltrato mula sa kanilang employer. Marami ang nagrereklamo na hindi sila pinasusuweldo at ang matindi ay ang pisikal na pang-aabuso. Marami ang nakakatikim ng pananakit mula sa kanilang amo. Mayroong OFW na sinasampal, sinisipa at pinaplantsa ang likod. Sobrang pahirap ang inaabot ng OFWs. Mistulang impiyerno ang kanilang buhay sa malupit na amo.

Nangyayari ang pang-aabuso hanggang ngayon at walang proteksiyon na nakakamit ang OFWs. Isang halimbawa ay ang malupit na heneral sa Saudi Arabia na hindi pinasusuweldo ang kanyang 16 na tauhang Pinoy. Ayon sa mga Pinoy, mula pa noong 2019 ay hindi sila pinasusuweldo ng heneral na nakilalang si Ayedh Thawah Al-Jealid. Ang matindi ayon sa mga Pinoy, bukod sa hindi sila pinasusuweldo, nakakaranas pa sila ng pananakit kay Al-Jealid. Grabe raw ang nararanasan nila sa Saudi general. Ayon pa sa mga Pinoy, maimpluwensiya umano ang heneral kaya patuloy sa ginagawang pagmamaltrato sa kanila. Masyado raw malakas sa awtoridad ang heneral kaya hindi natatakot.

Ipinaabot ng mga kawawang Pinoy ang problema kay Labor Secretary Silvestre Bello III. Galit na galit si Bello at nakipag-ugnayan sa mga awtoridad sa Saudi Arabia pero nagmamatigas pa rin daw ang Saudi general. “Matigas ang lintik na general,’’ sabi ni Bello at nagbanta na ipatitigil niya ang pagpapadala ng OFWs sa Saudi kapag hindi kinastigo ang general. Hihintayin umano ni Bello ang rekomendasyon ng POEA at ikukunsidera na niya ang susensiyon sa deployment ng workers sa Saudi.

Kung deployment ban ang nararapat, gawin ni Bello para matauhan ang Saudi government. Dapat maging matigas ang panininidigan sa isyung ito na pinagmamalupitan ang OFWs. Kawawa naman ang OFWs na bukod sa hindi na pinasusuweldo ay sinasaktan pa. Sobra na ang ginagawang ito. Isagawa ni Bello ang nararapat. Itigil ang pagpapadala ng OFWs sa Saudi.

Nararapat din namang maitatag na ang Department of OFWs para may agad na tutulong sa mga workers sa ibang bansa na minamaltrato. Kasama sa campaign promise ni President Duterte ang pagtatatag ng departamento para sa mga OFW pero hanggang ngayon ay wala. Aalis na si Duterte sa 2022 pero ang pangako niya para sa OFWs ay napako.

 

Show comments