Pananakit sa mga kadete, kailan matitigil?

Eto na naman, mukhang hindi na matigl-tigil at mistulang nagiging kultura na sa mga akademya ang pananakit sa mga kadete.

Nakakalungkot isipin na isa na namang kadete sa Philippine National Police Academy (PNPA) ang  nasawi dahil sa pananakit ng kanyang upperclassman.

Ito ay sa kabila ng mga paulit-ulit na lamang na babala at paalala tungkol dito pero tila hindi na natuto ang ilan.

Sa pinakahuling insidente, nasawi ang 21-anyos na si Cadet 3rd Class Karl Magsayo, ng  Zamboanga City at kasapi ng PNPA Batch 2024.

Sunud-sunod na suntok sa sikmura ang pinakawalan ng kanyang upperclassman na si Cadet 2nd Class Cesar Maingat. Hindi na nakabangon at tuluyan nang nawalan ng malay ang kadete na nang isugod sa pagamutan eh hindi na nga umabot nang buhay.   

Nasa kustodya na ng Silang Municipal Police Station ang responsableng kadete sa krimen kung saan inihahand na ang kaso laban dito.

Parang nababalewala na ang mga naging paalala sa mga nagdaan sa ganitong insidente.

Bakit kailangan kasing may sakitan pa?

Ano ba yan, gantihan? 

Komo ganon ang nangyari sa kanila sa nakalipas, gustong ganun din ang gawin sa kapwa nila.

Hindi naman sa bugbugan o pananakit, ayon nga kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar nahuhubog ang pagkatao ng isang kadete.

Kung tutuusin nga hindi mabuting asal ang manakit ka ng kapwa para lamang ito mapasunod. 

Anong kagandahang asal ang maituturo sa papanakit, na sa ilang insidente pa nga ay kailangang magbuwis ng buhay.

Nakakadismaya na isipin na ipinagkatiwala ng kani-kanilang mga magulang ang kanilang mga anak sa akademya na huhubog sa kanilang pagkatao lalu na nga’t sa pagseserbisyo sa bansa ang kanilang tinatahak, para lang sa huli ay masawi ang mga ito hindi dahil sa pagsasanay o training kundi dahil sa pambububog o pananakit ng nakakataaas sa kanila.

Maraming na ring batas ukol dito na nagbibigay parusa sa mga masasangkot sa hazing, pero mukhang nagpapatuloy pa rin ang ganitong gawi.

Sa mga nakakaranas pa nito, huwag sanang matakot at ilantad ang mga sangkot na indibiduwal.

Dahil ang takot at pananahimik ay mistulang kumukonsinti sa ganitong gawi , kaya paulit-ulit na lamang.

Maaring makaya ninyo at nakalampas kayo sa ganitong sitwasyon, paano naman ang mga susunod sa inyo. 

Kailangan pa ba uling may magbuwis na naman ng buhay!

Show comments