‘Ber month’ na, mga kawatan nandyan na!
Mula nang magpandemya kung saan iba’t ibang mga quarantine status ang pinairal at pinaiiral sa bansa, nakita naman ang malaking pagbaba sa krimen.
Mistulang maging ang mga masasamang loob eh napigilan sa paglabas. Puwedeng natakot rin sa COVID.
Pero eto na, ngayong papasok na ang ‘ber months’ at ngayong unti-unti nang niluluwagan ang quarantine restriction na gagawin na nga lang granular lockdown at ang pagpapatupad na lang ng Alert Level System, baka maiba na sitwasyon.
Ito ngayon ang pinaghahandaan ng ating kapulisan sa paniwalang muling maglalabasan ang mga kawatan at masasamang loob.
Bilang paghahanda nga ng PNP, nag-utos na si PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na mas paigtingin ang police visibility lalo na sa Metro Manila.
Malamang na kasabay sa pagluluwag, ito naman ang ikinatutuwa ng mga kawatan na naghahanda na rin ngayong holiday season.
Matagal na natengga ang mga ito sa kanilang operasyon, dahil nga sa pandemya kaya sabik na sa pagsalakay ang mga ito.
Matagal na napahinga, siguradong raratsada ang mga ito ngayong holiday season.
Hindi lang sa COVID dapat mag-ingat ang publiko, kundi sa pagsalakay ng mga kawatan.
Pupuwesto ang pulis sa mga matataong lugar partikular sa mga malls, terminals at iba pa na dito, malamang nakapuwesto rin ang masasamang loob at naghihintay ng kanilang bibiktimahin.
Paalala ng inyong Responde, mas maiging maging mapagmatyag, baka ang kaunti mong pinaghirapan eh tangayin pa ng mga kawatan.
- Latest