EDITORYAL - Exodus ng HCWs nagsimula na
NAGBANTA ang healthcare workers (HCWs) sa pribado at pampublikong ospital na magsasagawa sila ng mass resignation kapag hindi pa ibinigay ng pamahalaan ang ipinangako sa kanilang mga benepisyo na kinabibilangan ng special risk allowance (SRA) ganundin ang kanilang food and transportation allowance. Setyembre 1 nang magsagawa ng kilos protesta ang HCW at ayon sa kanila, ang patuloy na pagbingi-bingihan ng Department of Health (DOH) ang nagtutulak sa kanila para isagawa ang malawakang resignation.
Ayon sa mga nagprotestang HCWs, umaabot sa P11 bilyon ang hindi nababayarang benepisyo at SRA ng HCWs. Sa 1.8 milyong HCWs, maliit na porsiyento pa lamang umano ang nabibigyan ng benepisyo at allowances. Ito ay sa kabila na ipinag-utos na ni President Duterte sa DOH at Department of Budget and Management (DBM) na ibigay na ang mga benepisyo at allowances ng HCWs. Ayon naman sa DOH, kailangan munang mai-ammend ang guidelines na may kaugnayan sa benepisyo at allowances. Hindi naman ito maunawaan ng HCWs sapagkat noong nakaraang taon pa dapat ito ibinigay partikular ang SRA. Ang patuloy umanong pagbibingi-bingihan ng DOH ay lalong nagpapagalit sa mga nahihirapan nang HCWs.
Noong Huwebes, 10 volunteer doctors sa Philippine General Hospital (PGH) ang nagbitiw sa tungkulin. Ayon kay Dr. Jonas del Rosario, tagapagsalita ng PGH, iginagalang nila ang desisyon ng mga doktor. Inamin ni Del Rosario na malaking kawalan sa PGH ang pagbibitiw ng mga ito. Ayon kay Del Rosario, hindi nila matiyak ang kadahilanan ng pagbibitiw pero maaaring masabi na napagod na ang mga doktor. Napakarami umano nilang trabaho. Marami na rin umanong doktor ang nagka-COVID. Isa rin sa dahilan nang pagbibitiw ay maaaring gusto nilang magtrabaho sa ibang ospital na mas malaki ang kita.
Hindi man kunektado ang pagbibitiw ng 10 doktor sa PGH sa kasalukuyang ipinaglalaban ng HCWs, hindi maikakaila na marami sa kanila ang pagod na pagod na lalo pa nga ngayong pandemya. At lalo pang sumisiklab ang pagod at hirap kung ang kanilang hinihinging benepisyo ay ipinagkakait o hindi agad maibigay sa kanila.
Huwag kawawain ang mga HCWs. Pigilan ang kanilang pagbibitiw sa pamamagitan ng pagbuhos ng mga umaapaw na biyaya. Nararapat ito sapagkat bayani sila ng bagong panahon.
- Latest