Private messages, maari bang basehan para magsampa ng cyberlibel?
Dear Attorney,
May nagpapadala po sa akin ng private messages sa Facebook at inaakusahan ako ng kung anu-ano. Maari ko ba siyang sampahan ng cyberlibel base sa mga mensaheng pinapadala niya sa akin —Cherry
Dear Cherry,
Hindi mo nilinaw kung ang “private messages” ba na ipinapadala sa iyo ay sa pagitan n’yo lamang at walang ibang tao na nakakabasa nito. Maari kasing magpadala ng private messages sa higit isang tao sa Facebook.
Kailangang linawin ang puntong ito dahil kung sa pagitan n’yo lamang ang mga mensaheng naglalaman ng mga akusasyon sa iyo ay hindi ito masasabing cyberlibel.
Upang masabing may libel o cyberlibel, kailangan ang tinatawag na publication bilang isa sa mga elemento ng krimen. Masasabing na-publish ang isang mapanirang akusasyon kung may third person o ibang tao na nakabasa ng mga mapanirang salita bukod sa nagsulat at sa pinatutungkulan nito.
Nilinaw ng Korte Supreme sa kaso ng Alonzo v. Court of Appeals [311 Phil. 60, 73 (1995)] ang kahalagahan ng publication sa krimen ng libel. Ayon sa desisyon ng Kataas-taasang Hukuman, walang reputasyon na nasira kung ang tanging nakabasa ng paninira ay ang indibidwal na pinatutungkulan nito dahil ang reputasyon ay hindi naman nagmumula sa opinyon ng isang tao ukol sa kanyang sarili kundi sa pagtatantiya o pagtingin ng ibang tao sa kanya.
Kaya kung sa pagitan n’yo lamang dalawa ang mga private messages ay walang masasabing cyberlibel. Hindi naman ibig sabihin nito ay wala ka nang maaring isampang reklamo. Maari mong ihabla ang sender ng mga mensahe para sa kasong unjust vexation kung harassment na ang ginawa niyang pagpapadala ng mensahe sa iyo.
- Latest