KAHAPON ay ginunita ang Pambansang Araw ng mga Bayani. Sila ang mga lumaban sa mga mananakop at nagbuwis ng buhay para mapalaya ang Inambayan. Hindi sila natakot at ni hindi bumahag ang buntot. Puspusang nakipaglaban sa kabila nang kasalatan sa kagamitan, armas, pagkain at iba pang pangangailangan. Utang sa mga bayani ang tinatamasang kalayaan ng Inambayan.
Ngayong panahon ng pandemya, marami ring “bagong bayani” na hindi rin natakot na humarap sa nakamamatay na virus para lamang makapaglingkod sa kapwa. Sila ang mga healthcare workers na kinabibilangan ng mga nurses, medical technologists, xray tech, nursing aide, hospital aide at marami pa. Mahigit isang taon na ang pandemya at patuloy ang mga “bayaning HCWs” sa paglilingkod. Ito ay sa kabila na ang kalahati ng kanilang katawan ay nasa hukay.
Sa kabila ng kanilang paglilingkod, hindi naman dinirinig ang hiling nilang ibigay na sa kanila ang mga ipinangakong benepisyo. Mahigit isang taon na silang nagsusumamo pero nananatiling bingi ang Department of Health (DOH). Masisisi ba ang bagong bayani kung mag-aklas?
Bukas, Setyembre 1, itutuloy ng HCWs ang kanilang protesta. Hindi lamang ang mga nasa pribadong hospital ang magsasagawa ng protesta kundi maging ang mga nasa pampublikong hospital man. Naniniwala sila na kung hindi magpoprotesta, patuloy silang babalewalain. Hindi didinggin ang kanilang karaingan na ipagkaloob ang kanilang mga benepisyo, hazard pays at special risk allowance (SRA).
Umaapela naman si DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeiri na huwag ituloy ang protest actions sapagkat magkakaroon ito nang impact sa operasyon ng mga ospital.
Noong nakaraang linggo, ipinag-utos ni President Duterte sa Department of Health at Department of Budget and Management na ibigay na sa healthcare workers ang mga hinihinging benepisyo at allowances. Binigyan ng 10 araw ang DOH at DBM para tuparin ang kautusan. Gumawa raw ng paraan ang dalawang tanggapan para maibigay ang mga hinihingi ng 1.8 milyong HCWs.
Pero hanggang ngayon, wala pang natatanggap ang HCWs. Nasa P11 bilyon umano ang hindi nababayarang benepisyo at SRA ng HCWs. Masisisi ba ang mga bagong bayani kung magprotesta? Pagod na pagod na sila. Unawain ang kalagayan ng mga bagong bayani na araw-araw ay tumutupad ng tungkulin.