EDITORYAL - Babala sa mga pulis na ‘utak pulbura’
SIYAM na buwan ang nakalipas mula nang barilin ni MSgt. Jonel Nuezca ang mag-inang Sonia at Anthony Gregorio sa Paniqui, Tarlac, nakamit na agad ng mga kaanak ng mga biktima ang hustisya. Hinatulan si Nuezca ng dalawang habambuhay na pagkabilanggo dahil sa pagpatay sa mag-ina. Disyembre 20, 2020 nang maganap ang karumal-dumal na pagpatay na nag-ugat lang sa pinapuputok na boga ni Anthony. Kinumpronta ni Nuezca si Anthony na pinrotektahan naman ng ina nitong si Sonia. Binaril nang malapitan ni Nuezca ang mag-ina. Ang pagpatay ay nakunan ng cell phone video. Ayon sa abogado ng mga biktima, malaki ang naitulong ng video sa mabilis na pagkakamit ng hustisya.
Ang kasong ito ay babala sa mga pulis na may “utak pulbura”. Sila yung mga pulis na sa kaunting di pagkakaunawaan sa kanilang kapwa ay baril na agad ang binubunot at ipinuputok. Hindi na nag-isip. Huli na para malaman ang bigat nang nagawa. Gaya ni Nuezca na kahit magsisi ay wala nang magagawa sapagkat dalawang habambuhay na pagkabilanggo ang kanyang bubunuin.
Noong nakaraang Mayo, isa pang pulis na utak pulbura ang nakapatay ng kanyang kapitbahay sa Sitio Ruby, Bgy. Greater Fairview, Quezon City. Napatay ni Master Sgt. Hensie Zinampan ng Police Security and Protection Group si Lilybeth Valdez, 52. Ang anak na lalaki umano ni Lilybeth ang kaaway ni Zinampan pero nang hindi ito makita, ang ina ang kinumpronta at binaril. Nakunan din ng video ang pamamaril ng lasing na si Zinampan.
Kasunod ng pamamaril ni Zinampan, tatlong pulis pa ang nasangkot sa pagpatay sa kanilang kapwa pulis. Binaril nina Cpl. Sherwin Rebot at Cpl. Harold Mendoza ang kasamahang si Cpl. Higinio Wayan, pawang naka-assign sa Police Security and Protection Group. Ang pagpatay ay nag-ugat nang talunin ni Wayan sa bunong braso si Rebot.
Dapat namang kumilos si PNP chief Gen. Guillermo Eleazar para maisailalim sa regular psychiatric at psychological examinations ang mga pulis. Mahalaga ito para masuri ang mental health ng mga pulis at maiwasan ang malalagim na insidente. Dapat isagawa taun-taon ang psychiatric examinations taun-taon. Nasa panganib ang mamamayan kapag hindi na-monitor ang estado ng pag-iisip ng mga pulis.
- Latest