Natatandaan ba ninyo si ex-policeman Jonel Nuezca?
Ito yung pulis na nag-viral ang video makaraang malapitang barilin at mapatay ang mag-inang kapitbahay sa Paniqui, Tarlac noong Disyembre ng nakalipas na taon.
Matapos lamang ang ilang buwan, nakamit na ng pamilya ng kanyang mga nabiktima ang hustisya.
Ibinaba na ang desisyon sa kaso.
Sa desisyon ni Judge Stella Marie Gandia-Asuncion ng Paniqui Tarlac Regional Trial Court Branch 106, guilty “beyond reasonable doubt” sa 2 counts ng murder si Nuezca at hinatulan ng dalawang reclusion perpetua dahil sa pagpatay sa mag-inang sina Sonya at Frank Anthony Gregorio.
Bukod pa rito, pinagbabayad din ito ng korte bilang danyos sa pamilya ng biktima ng P952,560.
Naging mainit ang pangyayaring ito, sangkaterba ang nagngitngit dahil matagal na tumakbo ang video ng komprontasyon sa nag-aaway na magkabilang panig, hanggang sa walang habas na ipinutok ni Nuezca ang kanyang baril sa mag-ina sa harap pa umano ng kanyang (Nuezca) menor de edad na anak.
Nagawang tumakas ng pulis pero kinalaunan ay sumuko ito sa Rosales Police Station sa Pangasinan.
Hindi natulog ang kaso at hindi na inabot pa ng taon ang paglilitis , marahil dahil malinaw naman sa nakita sa video at mga pahayag ng mga testigo kaya naibaba ang hatol sa pulis.
Dahil sa insidenteng ito, naungkat ang matinding pangangailangan para imonitor ang mental health ng ating kapulisan. Marami ang nanawagan ng regular na nuero test, na nabatid na naisasagawa lamang sa proseso ng recruitment, schooling at promotion.
Sa ngayon tumututok dito ang pamunuan ng PNP kung paanong mahigpit na mababantayan ang behavioral pattern ng ating kapulisan na hindi lang nagtatapos sa panahon ng recruitment lamang.