Illegal logging sa Surigao del Sur, sinalakay ni Gov. Pimentel!

AYAW ni Surigao del Sur Gov. Alexander “Ayek” Pimentel ng illegal logging dahil nakasisira ito ng kalikasan. Kaya ma­tapos makatanggap ng sumbong na talamak ang illegal logging sa bayan ng Cantilan, personal na pinamunuan ni Pimentel ang raiding­ team noong Agosto 20 at nakumpiska nila ang may kabuuang 17,000 board feet na illegal cut forest products na nagkakahalaga ng P500,000.

Ang pinagtataka lang ni Pimentel, sa lahat ng munisipalidad ng Surigao del Sur dito lang sa Cantilan may illegal logging. At isa pa, ang opisina ng DENR-CENRO na pinamumunuan ni Marslou Bonita ay halos 15 minuto lang ang layo subalit hindi niya inaaksiyunan itong problema ng illegal logging. Magkanoooo...este paano kaya ‘yon? Anyare?

Kaya nanawagan si Pimentel sa Department of Interior and Local Government (DILG) at sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na alamin, at kasuhan ang nasa likod nitong pagharabas sa mga kahoy na nakaaapekto sa kampanya vs climate change. Dipugaaaaaaa!

Kasama sina Col. James Goforth, ang provincial director ng Surigao del Sur; Major Ferdinand Tavares, ang hepe ng Cantilan police, at Forester Charles Sullano ng CENRO, nang salakayin ni Pimentel ang compound sa Riverside, Purok 2, Bgy. Tapi kung saan nakaimbak ang mga kahoy. Wala namang nadatnan na tao dun sa compound subalit iba’t ibang kahoy ang nakumpiska ng tropa ni Pimentel.

Sinabi ng mga kapitbahay na ang mga kahoy ay pag-aari ni chairman Noel Azarcon, alyas Tiger, na kaalyado ni Cantilan Mayor Carla Pichay, ang maybahay ni Rep. Butch Pichay. Totoo kaya ang kumakalat na balita sa Surigao del Sur na hahamunin ni Mayor Pichay si Pimentel sa pagka-gobernador sa darating na elections? Di ba hindi naman tubong Surigao del Sur si Pichay? Dipugaaaaa! Hak hak hak! Maraming katanungan na si Pichay lang ang makakasagot, di ba mga kosa?

“This area of barangay captain Azarcon is only 15 minutes away from the CENRO and the Mayor’s office. The illegal logging activities are striving and happening almost right on the tip of the nose of public officials supposed to be protecting our environment and implementing the law properly,” tahasang sabi pa ni Pimentel.

May tiwala naman si Pimentel sa DILG at DENR para alamin kung may pulitikong nasa likod ng illegal logging para sampahan sila ng kaukulang kaso, at nang hindi na pamarisan pa. Nais din ni Pimentel na umaksiyon ang DILG at DENR para mawakasan na itong pagsira ng kagubatan dahil magiging sanhi pa ito ng malawakang pagbaha tuwing darating ang malalakas na bagyo sa bansa. Dipugaaaaaa! May punto si Pimentel dito ah!

Mukhang maaga ang pulitika sa Surigao del Sur ah. Hehehe! Ang mga botante lang ang makapagdesisyon kung sino ang nararapat na mamuno sa kanila sa darating na May elections. Tumpak! Dipugaaaaaa! Abangan!

Show comments