Baby shark, ipinanganak sa aquarium na pawang babaing pating ang nakatira

BALITA ang pagkakapanganak ng isang baby shark sa aquarium sa Italy dahil pawang babaing pating lamang ang nakatira sa nasabing aquarium.

Ikinagulat ang paglitaw bigla ng baby shark sa Acquario Cala Gonone sa Sardinia, Italy dahil dadalawang pating lamang ang nakatira roon sa loob ng nakaraang dekada at parehong babae pa ang mga ito.

Pinaniniwalaan tuloy na isang kaso ng asexual reproduction ang pagkakapanganak sa baby shark.

Ipadadala pa ng mga nangangasiwa ng aquarium sa mga eksperto ang DNA sample ng baby shark upang malaman kung katugma ba ng DNA nito ang pating na nagluwal sa kanya.

Tatlong uri lamang ng pating ang pinaniniwalaang may kakayahan ng asexual reproduction o ‘yung may kakayahang magkaanak kahit walang magkaparehang babae at lalaki.

Magiging pang-apat ang uri ng baby shark sa Sardinia, na isang smooth hound, kung sakaling mapatunayan na asexual reproduction nga ang naganap sa aquarium doon.

Show comments